Nag-viral ang larawan ng isang "hump" na hugis buwaya sa ginagawang farm-to-market road sa lalawigan ng Benguet.

Ayon sa nag-post ng picture sa Facebook, wala naman umanong ibig sabihin ang temporary hump na hugis buwaya.


Hindi pa umano maaaring gamitin ang daan kaya hinarangan muna nila, at katuwaan lamang ang hugis buwaya na sementong hump.

Kuha ang larawan sa ginagawang farm-to-market road sa Barangay Sagpat sa bayan ng Kibungan. Proyekto umano ng provincial government ang kalsada.

Dahil may natira daw na konting semento ay gumawa ang foreman ng hump na hugis buwaya. Aalisin din daw nila ito kapag maaari nang madaanan ang kalsada.

Ngunit umani ng iba't ibang komento sa Facebook ang larawan --ang iba ay nagpahayag ng galit at pambabatikos sa umano'y mga korap na opisyal ng pamahalaan, at ang iba naman ay ginawang katatawanan ito.

Ang iba naman ay nagsabing may pinatatamaan ang buwayang semento.

Ayon sa kumuha ng larawan, sana raw ay ‘wag itong seryosohin ng mga tao dahil wala naman daw talaga itong ibig sabihin. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News