Madaling mag time-out at mag-fastbreak sa basketball game kung pinalilibutan ang court ng iba't ibang pagkain at inumin, tulad ng nasa isang all-in-one basketball and food court sa Pasay.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Balitanghali" nitong Biyernes, pinagsama daw sa iisang tambayan ang dalawang paboritong past time ng mga Pinoy.

"Ang pastime talaga ng mga Pilipino ay pagkain at paglalaro ng basketball, try namin combine ang dalawang pastime ng Filipinos and we came up with this concept," sabi ng may-ari na si Paul Elaria.

Aprub ang kakaibang konsepto sa mga naghahanap ng pagkain pagkatapos magllaro ng basketball, tulad ni Alfie Paredes.

"Pagkatapos natin maglaro nagugutom or gusto ng drinks diretso na tayo sa kainan. Tuloy-tuloy ang bonding ng barkada," sabi nito.

Hindi naman naiinip ang ilang mga mga tsumitsibog dahil nalilibang sila sa napapanuod nilang laro.

Pwede rin daw maglaro ng iba't ibang sports sa kainan, maliban sa basketball, tulad ng volleyball at badminton. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News