Kinailangang ilihis ang linya ang biyahe ng tren sa subway ng New York nitong Lunes matapos matuklasan na may dalawang kambing na gumagala sa riles sa Brooklyn.

“Two very baaaaad boys,” saad sa caption sa larawan na ipinost ng NYCT subway sa Twitter, na makikita ang dalawang kambing habang nasa "N line" tracks noong Lunes ng umaga.

 

 

Sa ulat ng Reuters, sinabing kinailangan ilihis ang biyahe ng mga tren sa "D line" habang hindi pa nahuhuli ang dalawang hayop.

Ilang oras matapos matakasan ng dalawang kambing ang mga humahabol sa kanilang mga pulis at animal control workers, nahuli rin ang dalawa dakong 12:45 p.m.

“A new one for us (we think): Two goats are roaming along the N line tracks in Brooklyn,” sabi sa tweet ng Metropolitan Transportation Authority, ang namamahala sa subway.

Ang ilan umano sa mga hindi nasisiyahan sa serbisyo ng subway, ginamit ang insidente para patamaan ang pamunuan ng namamahala rito.

“‘Goats on the track’ is the only acceptable reason for subway delays. I don’t want to hear about ‘signal problems’ anymore,” saad sa Twitter post ni @DvoraMeyers, writer sa online sports website Deadspin.

Hindi pa umano batid kung papaano nakapasok sa riles ng tren ang mga kambing, na nasa maayos umanong kalagayan matapos na mahuli. -- Reuters/FRJ, GMA News