Ipinaliwanag ng Kapuso broadcaster na si Mike Enriquez ang kaniyang pagkawala sa mga programa sa GMA-7 at sa Super Radyo dzBB.

Sa panayam kay Ivan Mayrina sa "24 Oras" ngayong Miyerkules, sinabi ni Mike na kasalukuyan siyang sumasailalim sa kidney treatment at naghahanda ring maoperahan sa puso.

"Alam mo, kung nami-miss ka ng mga tagapakinig at mga nanonood... mas nakaka-miss para sa katulad natin, 'yung mga audience," saad ni Mike, na sinabing panatag ang kaniyang kalooban sa kabila ng kaniyang karamdaman.

"Namana ko 'to sa tatay ko, kaya kailangan ang regular na paggamot," kuwento niya tungkol sa kaniyang kidney condition.

"'Yung sa puso naman ay kailangan ng heart bypass, o kung tawagin ng mga doktor. 'Yung isasagawang operasyon, bypass operation, napaka-common eh. Pangkaraniwan na lang ngayon 'yon. Kaya sabi ng mga doktor, makakabalik ako sa aking normal na mga aktibidad pagkatapos ng operasyon."

May mensahe din siya sa mga sumusubaybay sa GMA-7 at sa Super Radyo dzBB.

"Salamat po sa mga nagparating ng kanilang pagbati, nagtatanong kung ano ang kagalayan ko, buo po ang aking sampalataya sa Panginoon at sa galing ng mga doktor at sa dasal ng maraming-maraming tao," he said.

"Ang pangako ko po, babalik po ako."

Narito ang buong pahayag ni Mike:

Ito po ay tugon sa dumadaming katunungan kung bakit matagal tagal na ako wala sa mga programa sa radyo at telebisyon na aking pinaglilingkuran.

Ako po ay kasalukuyang naka “medical leave”.  Ginagamot ang aking kidney at ako ay nakatakdang sumailalaim sa operasyon sa puso sa Setyembre. Ayon sa aking mga doctor, makakabalik ako sa aking normal na trabaho mga dalawa hanggang apat na linggo pakatapos ng operasyon. Pinayuhan ako na magpahinga at magpalakas para makaiwas sa anumang emergency hanggang ako ay maoperahan.  Habang wala ako sa himpapawid, patuloy kong tinutupad ang aking mga responsibilidad bilang president ng RGMA Newtok, inc at bilang Consultant For Radio ng GMA Network Inc.

Nagpapasalamat po ako sa mga nagpahayag ng suporta at lalo na sa mga nagdarasal para sa aking paggaling.  Magagaling at maalaga ang aking mga doctor at napaka bait at mapagmahal ng Poong Maykapal!

Babalik po ako!

Mike Enriquez

Nagpaabot naman ng mensahe ng suporta ang GMA Network kay Mike.

“GMA Network is one with our Kapuso Mike Enriquez in facing this challenge. We fully support him and are praying for his successful surgery and quick recovery. Together with our viewers all over the world, his friends and colleagues here in GMA look forward to welcoming back a healthier and stronger Mike Enriquez soon," saad ng network. —JST, GMA News