Kinagiliwan ng netizens ang isang batang mag-aaral sa Kawit, Cavite na nag-viral sa social media ang video nang maalimpungan mula sa pagkakatulog sa silid-aralan.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakatulog habang nakaupo sa gitna ng klase ang apat na taong gulang na bata.

Pero dahil uwian na, nagligpit na ng gamit ang guro at ang assistant teacher nang maalimpungatan ang batang natulog at nahawakan ang silya sa halip na bag.

Makikita sa video na nagawang isukbit ng bata ang silya sa kaniyang likod na parang bag hanggang makarating sa pintuan.

Hindi napigilan ng mga nakakita sa kaniya ang magtawanan, pati na ang kaniyang nanay.

Napanood na raw ng bata na tinatawag ngayon na "viral boy" ang kaniyang nakatutuwang video.--FRJ, GMA News