Kung "pagmamahal" din lang ang usapan, tabi na muna si "GG" [galunggong] dahil mas hot topic ngayon ang "sili" na abot daw sa P1,000 ang kilo. Ang isang netizen nga, naisipan na sili na lang ang ipambayad sa kaniyang pinamili. May nakuha pa kaya siyang sukli?

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing sa halip na uminit ang ulo ng netizens sa mahal na presyo ng sili, umisip sila ng mga nakakatuwang pakulo tulad ng iba't ibang "meme."

Tulad ng isang sili na nagtataka kung bakit marami ang nagalit sa kaniyang gayung "nagmahal" lang naman siya.

Mukhang hindi na rin mga gadget ang "status symbol" ngayon kung hindi "sili" na.

May mga single naman na may hugot din dahil naunahan pa sila ng sili na "magmahal."

Ang isang lalaki naman, sa halip na pera, sili na lang ang ibinayad sa kahera sa kaniyang pinamili.

Pero biro lang daw iyon sabi ng video uploader at binayaran din naman daw niya ng totoong pera ang kaniyang mga pinamili.-- FRJ, GMA News