Nagiging mas mapanuri ngayon ang mga namimili sa mga tindang prutas sa Australia, hindi lang para makita kung sariwa ang kanilang bibilhin, kung hindi para matiyak na walang karayom sa loob nito.

Sa ngayon, masusing nagsisiyasat ang mga awtoridad sa nabanggit na bansa at hinahanap ang mga responsable sa paglalagay ng karayom sa mga prutas.

May parusang pagkakakulong ng hanggang 10 taon ang mapapatunayang nagkasala sa pagkontamina ng mga pagkain sa Australia.

Pero dahil sa insidente, sinabi sa ulat ng Reuters na nais ni Prime Minister Scott Morrison na itaas ang parusa sa hanggang 15 taon.

Sinasabing umabot na umano sa 100 ang insidente ng pagkakakita ng karayom sa mga prutas. Nangyari ito matapos na may makitang karayom sa tindang strawberry na mula sa Queensland.

Nitong Martes,  sinabi ng pulisya na may mga reklamo na rin sa New South Wales na may nakitang karayom sa mansanas at sa saging.

Wala pa naman umanong nangyayaring malalang insidente na idinulot ng mga nakitang karayom sa mga prutas, at ang ibang iniulat na insidente ay gawa-gawa lang.

Gayunman, naging matindi umano ang epekto ng insidente sa mga nagtatanim ng strawberry dahil bumaba ang benta ng produkto.

Ayon kay Morrison, maliban sa itataas ang parusa sa mga nagkokontamina ng mga pagkain gaya ng paglalagay ng karayom sa mga prutas, nais din niyang gawing krimen ang mga nanloloko o gumagaya sa insidente.

“It’s not funny, putting the livelihoods of hard-working Australians at risk,” sabi ni Morrison. “If you do that sort of thing in this country we will come after you and we will throw the book at you.” -- Reuters/FRJ, GMA News