Nagkagulo ang mga tao sa Buendia, Makati nang makakita sila ng isang malaking sawa na gumagapang hanggang sa makarating kalye. Nahuli-cam din ang kaguluhan ng ilang kalalakihan dahil hindi nila malaman kung papaano huhulihin ang ahas.

Ayon kay YouScooper Maryann Te, nangyari ang insidente nitong Huwebes ng hapon, September 20, 2018.

Sa video, makikita ang mga kalalakihan na nagtutulong-tulong kung papaano huhulihin ang sawa na handang umatake.

Pagkaraan ng ilang minutong kaguluhan na may kasamang tawanan, nahuli rin ang sawa at naisilid sa isang sako.

Wala naman daw nasaktan sa insidente at hindi nasabi kung saan nanggaling ang sawa, at kung saan dinala. -- FRJ, GMA News