Sa halip na libing na puno ng iyakan at kalungkutan, ginagawang masaya at may kasama pang sayawan ang paghahatid sa huling hantungan ng ibang namamatayan sa Masantol, Pampanga. Katunayan, may isang libing na ang tugtog ay kantang "Boom Boom" ng Momoland.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nagiging masaya umano ang libing sa nabanggit na bayan dahil sa serbisyong hatid ng mga mang-aawit ng Sm Funeral.

Sa imbes na malulungkot na awitin na nakadadagdag sa pangungulila ng namatayan, mga awiting nakakaindak ang kanilang pinatutugtog.

Gaya sa video na nag-viral sa social media na makikitang sumasayaw at tila naging instant street party ang libing dahil sa tugtuging "Bulaklak" ng Viva Hot Babes.

Ang isa pang libing, pati ang driver ng karo ay napaindak sa kantang "Boom Boom" ng Momoland.

Ayon sa uploader ng video, depende pa rin naman daw sa kliyente kung anong tugtog ang kanilang ipadidinig sa libing.

Nagmumungkahi lang umano ang punerarya na masayang awitin ang ipagtugtog kapag ihahatid na sa huling hantungan ang namayapang mahal sa buhay.-- FRJ, GMA News