Tatlong little person ang nakasungkit ng Megajackpot sa "Wowowin" nitong Biyernes.

Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa nitong Biyernes sa "24 Oras," nanalo ng P1 million, kotse at house and lot sina Noella Ong, Glenn Anastacio at Jenny Botes.

Naluha sa tuwa ang tatlong winner na may kani-kanilang pamilya na kailangan suportahan.

May dalawang anak si Glenn, na nagta-trabaho bilang taga-kaliskis ng isda sa isang palengke. "Napakasaya po kasi po magsisimula kami uli ng panibagong buhay tapos 'yung pangarap po namin para matupad din po."

Naghahanap-buhay rin sa palengke bilang isang fish vendor ang asawa ni Jenny para suportahan ang dalawa nilang anak. "Ngayong nabigyan po kami ng chance na guminhawa po ang buhay namin kaya masayang-masaya po kami."

May anak rin si Noella, na nagtatrabaho sa isang telemarketing firm habang namamasada bilang isang habal-habal driver ang kanyang asawa. "Sobrang masayang masaya po. Binigyan po ni Kuya Wil talaga sa 'min."

Pag-uusapan pa raw ng tatlong winner kung paano nila paghahatian ang kanilang napanalunan.

Wagi rin ang bayanihan dahil plano raw nilang tawagan ang limang iba pang little person na nakasama nila sa pag-audition sa "Wowowin" at ayain silang kumain at bigyan na rin ng kaunting balato. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News