Isang bangkay ng lalaking pumanaw 37 taon na ang nakararaan sa Victoria, Northern Samar ang hindi pa rin naaganas. Dahil sa pagpaparamdam sa mga kaanak, nagpasya sila na huwag na itong ilibing muli at ngayon ay tinayuan pa ng sariling kapilya dahil nakapagpapagaling daw ng mga sakit.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang bangkay na hindi naagnas na si Bruno Gumarao, na nagtataglay umano ng agimat noong nabubuhay pa.

Nanghihilot daw noon si Gumarao, na dati ring driver ng construction company at miyembro ng Civilian Home Defense Forces o CAFGU, na tumutulong sa seguridad ng mga barangay.

Unang itinampok sa istorya ni Gumarao sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakagagawa rin umano ng milagro dahil gumagalit daw ang mga taong humahawak sa kaniyang bangkay na nakalagay sa kapilya.

Pumanaw si Gumarao sa edad na 44 nang maipit siya sa engkuwentro at barilin.

Ayon sa kaniyang mga kaanak, tinablan siya ng bala dahil iniluwa niya ang kaniyang agimat.

Pero makalipas ang tatlong taon mula nang mailibing siya, nakita na lamang daw na palutang-lutang sa dagat ang bangkay nito na hindi naagnas.

Inabot daw kasi ng baha ang pampublikong sementeryo kung saan nakalibing si Gumarao at simula noon ay pinili na lang ng kaniyang pamilya na huwag nang ilibing muli dahil sa mga pagpaparamdam.

Dahil deboto raw si Gumarao ng Poong Nazareno noong nabubuhay pa, ito na rin ang kasuotan na inilagay sa kaniyang bangkay.

Paliwanag ng isang forensic expert hinggil sa mga bangkay na hindi naaagnas.

"Yung sa body at usually yung mga payat at hindi naman siya namatay sa infection usually matagal ang decomposition nila. Pagka-dry yung environment mainit, mababa ang humidity, matagal ang decomposition nun. Pagkanag-mummy-fie nay an, normally hindi namagdedecompose agad yan, unless mabasa o ihandle ng maraming tao," sabi ni Dr. Erwin Erfe, forensic and medical evidence analyst.

Samantala, nagbabala naman ang sanitary inspector ng Victoria na kahit wala pang naitatalang reklamo ng anumang sakit o epidemia sanhi ng bangkay ni Gumarao, maaari pa rin daw itong magdulot ng panganib na dala ang mga labi na hindi selyado o nakalibing na maayos.-- FRJ, GMA News