Aksidenteng nadiskubre ng mga trabahador ang dalawang lumang puntod at mga lumang parte ng mga sasakyan sa ilalim ng isang matandang simbahan sa Dingras, Ilocos Norte.

Ayon sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, isinasailalim sa rehabilitasyon sa Saint Joseph Parish Church nang mahukay ng mga trabahador ang dalawang lumang puntod at bahagi ng nasa tatlong sasakyan.

May lalim umano na isang metro ang hukay at may lapad na pitong talampakan.
May nakita ring ilang itlog ng ahas sa naturang hukay.

Dahil sa mga nadiskubre, pansamantalang itinigil ang rehabilitasyon sa simbahan upang ipaalam muna sa National Historical Commission ang kanilang nakita.

Hihingi rin ng rekomendasyon sa NHC ang pamunuan ng simabahan kung ano ang nararapat nilang gawin.-- FRJ, GMA News