Sinamahan ng pekeng pera ng mga awtoridad ang ginamit nilang marked money sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City para mahuli ang target nilang tulak umano ng droga. Nang makuha nila ang kontrabando, nadiskusbre naman ng mga awtoridad na hindi rin puro ang shabu na kanilang nakuha.



Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News' 24 Oras nitong Martes, sinabing isinagawa ng mga awtoridad ang buy-bust operation sa isang palengke sa Barangay Bagbag sa Quezon City para madakip ang target umanong tulak ng droga na si Ryan Ceblano.

Umorder ang nagpanggap na buyer ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng halos P200,000. Nang mangyari na ang abutan, kaagad na inaresto ang suspek kasama ang kasabwat nitong menor de edad.

Nang madakip, napansin ng mga awtoridad ang matinding takot ng mga suspek hanggang sa madiskubre na dalawang gramo lang ang tunay na shabu at ang iba ay dinurog na kendi na.

"Tabla [ang transaksyon]. Kasi papel din lang naman ang pera namin [na ginamit sa buy-bust]. Kung sindikato yung napagbentahan niya, puwede siyang balikan pa at pati na rin yung pamilya niya," sabi ni Police Senior Inspector Dennis Francisco, hepe ng SDEU, Intelligence Branch-QCPD Station 4.

Aminado naman ang suspek na delikado ang kaniyang ginawa at maaaring buhay ang maging kapalit.

Samantala, nagsagawa rin ng hiwalay na buy-bust operation ang mga awtoridad sa katabing Barangay Pasong Tamo kung saan nadakip sina Serafin Soriano, ang umano'y kasabwat niyang si Brian Labrador, at apat nilang umano'y parokyano. —FRJ/KG, GMA News