Cute at hugable tingnan pero mapanganib pala ang mga kangaroo.

Sa Queensland, Australia, nagtamo ng mga sugat, pasa at bali sa katawan ang isang mag-asawa nang atakihin sila ng isang kangaroo.

 


Sa ulat ng Reuters, ipinakita ni Jim Smith ang mga sugat at pasa na tinamo niya mula sa binti hanggang sa mukha.

“It’s scary, it knocked me over once or twice and once they grab you, you can see what they do,” sabi ni Jim habang ipinakikita ang pinsala na tinamo niya sa katawan pati na ang napunit niyang damit.

Mas malubha naman ang inabot ng kaniyang misis na si Linda na kailangang operahan sa ospital dahil nabalian ng buto at natamaan din ang kaniyang baga.

Bago ang pag-atake, nagpapakain daw ng mga wild kangkaroo si Jim sa kanilang lupain sa Darling Downs nang bigla siyang sunggaban at banatan ng isang kangaroo hanggang sa matumba siya.

Tinangka naman siyang tulungan ni Linda, at siya naman pinagbalingan ng hayop.

Umalis lang at natigil ang panggugulpi ng kangaroo sa mag-asawa nang dumating ang anak nila na may dalang pamalo at hinambalos ang hayop.

Sa kabila ng kanilang sinapit, mapalad pa rin daw ang mag-asawa na nakaligtas sila sa pag-atake.

“If the kangaroo was able to continue to inflict further injury, her life was, yes, in danger,” sabi ni Stephen Johns, senior operations supervisor ng Queensland Ambulance Service. -- Reuters/FRJ, GMA News