Kinaaaliwan ng mga pasahero at maging ng netizens ang isang "barker" o tagatawag ng mga pasahero sa mga jeep at UV Express dahil sa pang-opisina niyang kausotan kapag nagtatrabaho kahit pa nakabilad sa araw.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, nakilala ang barker na si Mang Demy Diaz, na naka-puwesto sa bahagi ng Cainta at Pasig para magtawag ng pasahero papuntang Ayala at Mandaluyong.

Sa kaniyang attire, mahihiya ang nag-oopisina dahil sa suot niyang long sleeves with neck tie, pants at black shoes, may shades at gold necklace pa.

Hindi rin mawawala ang kaniyang payong para panangga sa init at ulan dahil sa kalye ang kaniyang puwesto at hindi de-aircon na opisina.

Ayon kay Mang Remy, 20 taon na niyang ginagawa ang pagiging barker at talagang may gusto niya ang maayos na pananamit kaysa sa mag-t-shirt lang.

At kahit pa pabarya-barya lang ang kaniyang kinikita sa pagba-barker, napag-aaral niya ang kaniyang tatlong anak.

Marami ang natutuwa kay Mang Demy dahil bukod sa kaniyang panalong porma, maganda rin ang kaniyang disposisyon sa buhay.-- FRJ, GMA News