Tulog sa isang suntok ang isang lalaki na umano'y lasing matapos siyang patulan ng isang lalaki na kaniyang kinulit sa gitna ng kalsada sa San Mateo, Rizal.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV habang nilalapitan at dinidikitan ng lasing ang lalaki na kaniyang hinahamon umano ng away.

Makikita naman na umiiwas pa ang lalaki na hinahamon pero nang buwelta, nagpakawala ito ng isang suntok na tumama sa mukha ng lasing na naging dahilan ng pagtumba niya sa kalsada at hindi na nakabangon.

Ayon sa punong barangay ng Sta. Ana na si Henry "Butchoy" Cruz,  kinukulit ng lalaki ang mga tao sa lugar hanggang sa may pumatol sa kaniya.

Nagkaroon din umano ng sugat sa ulo ang lasing dulot ng pagkakahampas ng ulo sa semento nang matumba sa suntok.

Isang residente ang nagmagandang loob at pilit na ginigising ang lalaki na nahimasmasan din makaraan ng ilang minuto.

Kasunod nito ay nagsampa ng reklamo sa barangay ang lasing, na napag-alamang dayo lang sa lugar.

Ang lalaki na nanuntok sa kaniya, residente naman sa barangay pero tumanggi nang magbigay ng pahayag.

Sa huli, nakipagkasundo ang lalaking nasuntok na hindi na niya itutuloy ang pagsasampa ng reklamo sa lalaking kaniyang kinulit.

Nangako rin daw ang lalaki na hindi na dadayo sa barangay nang lasing para hindi na maulit ang insidente.-- FRJ, GMA News