Saksak at kulong ang inabot ng isang lalaki na pumasok sa bahay ng kaniyang kapitbahay nang walang damit at nakababa pa ang short pants sa Mangatarem, Pangasinan. Ang suspek, wala raw sa sarili nang gawin ang kasalanan.

Sa ulat ni Ivy Hernando ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing  dakong 2:00 am nitong Martes nang makapasok sa bahay ng mga biktima sa Barangay Calvo, Mangatarem ang suspek na si Abelardo Calubiran.

Dumiretso umano si Calubiran sa ikalawang palapag ng bahay at nagtungo sa kuwarto kung saan natutulog ang dalawang babae.

Ang hindi alam ng suspek, gising pa noon ang lalaking kapatid ng dalawang babae, na itinago sa pangalang Louie.

Kumuha ng patalim si Louie at nagtungo sa kuwarto ng kaniyang mga kapatid para abangan ang suspek.

"Nakahubad po siya, nakababa ang short pant niya,” sabi ni Louie. "Noong nakaakyat na po ako dito, hinawakan ko dito (kamay) niya… parang gumanun yung kamay niya, yung pagkaharap niya sa akin, doon ko po siya inunahan."

Nasaksak ni Louie sa leeg at kamay si Calubiran pero nakaligtas.

Sabi ni Calubiran, hindi niya raw alam kung bakit siya napunta sa kaniyang kapitbahay.

“Hindi po…Wala po ako sa sarili ko," paliwanag nito.

Kinasuhan na si Calubiran ng trespass to dwelling, pero ayon sa pulisya, maaari pa raw itong madagdagan ng ibang kaso dahil sa naaktuhang ginagawa niyang kahalayan.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News