Nagkaroon ng komosyon nang dumugin ng mga residente ang isang 29-anyos na lalaki na inakalang tinangka nitong dukutin ang dalawang babae na magpinsan na edad pito at 14 sa Cagayan de Oro City. Nang magkapaliwanagan na, lumitaw na nobya pala ng lalaki ang dalagita.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nagkagulo sa Barangay Gusa nang dumugin at arestuhin ng mga residente ang suspek na kasama ang magpinsang menor de edad.

Nang dumating ang mga pulis, inamin ng dalagita na kasintahan niya ang lalaki kahit malayo ang agwat ng kanilang edad.

Ayon kay Police Lieutenant Saul Abel Yacapin, Deputy Commander ng Police Station 3, lumitaw na nagkayayaan ang magkasintahan na palihim na mamasyal at mag-"joyride" kasama ang batang pinsan.
Pero pag-uwi nila, nahuli sila ng magulang ng dalagita.

Pero kahit magkarelasyon ang dalawa, inaresto pa rin ang lalaki dahil menor de edad ang babae.

Nahaharap ang lalaki sa reklamong inducing a minor to abandon his/her home sa ilalim ng Article 271 ng Revised Penal Code.

Hindi naman nakuhanan ng pahayag ang suspek matapos siyang isailalim sa medical examination at inquest proceedings.

Payo ni Yacapin sa kalalakihan, alamin ang edad ng babaeng nililigawan at huwag nang makipagrelasyon kapag menor de edad ang babae. -- FRJ, GMA Integrated News