Naglakad lang palayo na tila walang nangyari at tumakas umano ang mga sakay ng isang kotse matapos silang maaksidente at sumalpok sa isang bahay ang kanilang sasakyan sa West Yorkshire, England.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa isang video ang pagharurot ng kotse bago ito sumalpok sa harap ng bahay.

Pagkaraan ng ilang segundo, lumabas na ang isa sa mga sakay ng kotse, nagsuot ng hoodie at naglakad palayo.

Gayunman, bumalik ang lalaki at tila nagpanggap na usyusero bago tiningnan ang sitwasyon ng kaniyang mga kasamahan.

Pagkaraan nito, naglakad lamang palayo ang lalaki na tila walang nangyari.

Makalipas pa ang ilang saglit, lumabas na rin ang dalawang ibang sakay ng kotse.

Nagsapatos pa sa harap ng mga residente ang isa sa kanila.

Ngunit tulad ng isa nilang kasamahan, nakatakas ang mga ito kalaunan matapos umarte rin na walang iniinda.

“They were walking around for a while. They put their hoods up and walked off. There was no concern for anyone’s safety and I’m worried they’re not going to suffer any consequences for their actions,” sabi ng may-ari ng napinsalang bahay.

Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa mga nakatira sa bahay, dahil isang metro na lamang ang layo ng sumalpok na kotse mula sa kanilang main door.

Nasa ikalawang palapag noon ang mga batang nakatira sa bahay.

“We, so easily, could have been killed. When the crash occurred at 6.15PM, that is the prime time for us to put the bin out for the next day,” sabi pa ng may-ari ng bahay.

Panandaliang in-evacuate ang mga nakatira sa bahay upang masuri ng mga awtoridad kung may napinsalang gas pipe o linya ng kuryente.

Patuloy pang pinaghahanap ang mga salarin para mapanagot sila sa insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News