Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

Theater review: Ang fan na ginawa ang lahat, maging 'trending' lamang ang idolo


(May spoilers ang review na ito.)
Mga kuha ni Roehl Niño Bautista, GMA News
Kaya mo bang talikuran ang lahat — kahit ang iyong sarili — magtagumpay lamang ang iyong idolo? Sa isang adaptasyon sa teatro, nabuhay muli ang kwento ni Bona, isang fan na lubos ang pagkahumaling sa isang artista. Mahigit tatlong dekada na ang nakaraan mula nang unang lumabas ang hindi malilimutang pelikulang "Bona," na pinagbidahan ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor. Sa pagkakataong ito, matutunghayan sa entablado ng Philippine Educational Theater Association (PETA) ang adaptasyon ng "Bona" na sumasalamin sa kontemporaryong panahon. Pinagbibidahan ni Eugene Domingo ang comedy-drama na adaptasyon, kung saan kanyang ipinapamalas sa teatro ang pagiging fan sa Pilipinas sa panahon ngayon. Bona para sa bagong henerasyon Sa orihinal na pelikula, na idinirekta ni Lino Brocka at isinulat naman ni Cenen Ramones, ginampanan ni Nora Aunor si Bona, ang mag-aaral na "die-hard fan" ng stunt man na si Gardo, na ginampanan naman ni Philip Salvador. Kumpara ito sa adaptasyong isinulat ni Layeta Bucoy at idinirekta ni Soxie Topacio, matutunghayan ang kwento ng makabagong Bona, isang call center agent at breadwinner ng pamilya na naging tagahanga ni talent search contestant Gino Sanchez, na ginagampanan naman ni Edgar Allan Guzman. Sa adaptasyon, napanatili ang daloy at esensya ng orihinal na pelikula; lumabas ang mga pangunahing eksena sa orihinal, ngunit inilagay ang mga ito sa kontemporaryong sitwasyon upang magkaroon ng relasyon sa mga tagapanuod ngayon. Sa setting pa lamang at sa mga kagamitang ginamit sa mga eksena ng adaptasyon, maipapakita ang pagiging moderno ng panahon. Halimbawa nito ang paggamit ni Bona ng laptop at ng mga social networking sites upang makipag-ugnayan at maipakita ang suporta sa kanyang idolo. Tulad ito sa mga tagahanga ngayon na ginagamit ang mga social networking sites, tulad ng Twitter at Facebook, upang maging "trending" o laging pinag-uusapan ang kanilang mga idolo. Sa tulong na rin ng internet, hindi na mahirap ang pakikipag-ugnayan ng mga tagahanga sa mga idolong artista. Halimbawa na lamang nito ang isang eksena kung saan nakipag-chat si Bona sa kanyang idolong si Gino. Sa panahon ngayon, karamihan sa mga artista ay gumagamit ng Twitter account o Facebook upang magkaroon ng umano'y "personal" na relasyon sa kanilang mga tagahanga. Napapanahon din ang pagiging talent search contestant ni Gino. Nitong mga nakaraang taon, nauuso ang mga talent search na paligsahan na mapapanood ngayon sa mga pangunahing local TV network at sinusuportahan ng mga manunuod. Sa mga lumalahok sa mga paligsahang ito, hindi lamang talento at looks ang mahalaga, kinakailangan ding may dalang malungkot na kwento sa buhay upang makuha ang simpatya ng mga manunuod— tulad ng ginawa Gino kaya napaakit niya si Bona na suportahan siya. Kayang tumayo sa sarili niyang paa Ayon kay Bucoy, kung ikukumpara sa orihinal na karakter, "kaya [ng bagong Bona na] tumayo sa sarili niyang paa." Sa adaptasyon, itinatampok ang patuloy na pagtulong ni Bona sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Hindi man niya ginusto, tumayong breadwinner si Bona sa kanyang kapatid at sa pamilya nito. Sa mga unang bahagi ng palabas, matutunghayan ang patuloy na pangungulit ng kapatid at kaibigan kay Bona upang tulungan ang mga ito sa kanilang pinansyal na problema. May kakayahan si Bona na tumulong sa kapwa. Kumpara rin sa orihinal na pelikula, kung saan mag-aaral lamang si Bona noong una niyang nakilala si Gardo, isang middle-aged na babae na ang Bona sa adaptasyon kaya mayroon na siyang sapat na kaalaman at karanasan upang makapag-isip at makapagdesisyon ng mas maayos. Dahil dito, naitatag sa isipan ng manunuod na si Bona ay isang babaeng kayang tumayo sa sarili niyang mga paa. At dahil din dito, sa palagay ni Domingo, ay naging mas "pathetic" si Bona. "Hindi naman siya tanga, hindi naman siya nagdarahok, anong nangyari?" aniya. Dahas Kumpara sa pelikula, kung saan ilang beses na pisikal na inabuso si Bona, hindi nakaranas ng pisikal na dahas o karahasan si Bona sa adaptasyon. Sa naunang panayam, inihayag ni Layeta na: "It's not really the physical or visual violence that you've been used to. It's the violence that's been seeping through our times but we are not so aware of it, or we are not talking about it." Marahil tinutukoy niya ang emosyonal na pang-aabuso ni Gino na kay Bona. Hindi kinakailangang magkaroon ng pisikal na pang-aabuso upang maging biktima. Sa kabila nito, matutunghayan pa rin ang hindi makakalimutang eksenang pagsasaboy ni Bona ng kumukulong tubig kay Gino. Matapos malaman ni Bona na may nabuntis si Gino at nais magpakasal, hindi niya mapigilan ang kanyang hinanakit. Sa tradisyunal na pampapaligo kay Gino, binuhusan niya ito ng kumukulong tubig. 'Buti pa ang alila, binabayaran' Isa sa mga naunang eksena sa palabas, nadismaya si Bona nang iwan siya ng kanyang "boyfriend" ng ilang buwan lamang. Ayon sa kanya, handa na sana siyang ibigay ang "lahat" ngunit iniwan siya nito. Dahil sa mabuti niyang katayuan sa buhay, ang tanging hiling na lamang ni Bona ay ang maranasang mamahal, kaya ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya, makuha lang ang kanyang inaasam — at si Gino iyon. Dahil dito, ibinigay ni Bona ang lahat upang magtagumpay at mapasaya lamang si Gino; tinalikuran niya ang kanyang pamilya at ginawang misyon sa buhay ang pagtulong sa pagsikat ng starlet. Buong pusong ibinigay ni Bona ang kanyang serbisyo at pera kay Gino dahil sa pangarap at pagnanais na mahalin din siya nito. Ayon nga sa best friend ni Bona na si Baldy (Joey Paras), "Buti pa ang alila, binabayaran. Ikaw hindi." Ngunit sa huli, matapos ibigay ni Bona ang lahat, matapos niyang talikuran ang kanyang buhay, matapos niyang biguin ang kanyang sarili, hindi pa rin siya pinili ni Gino. Magkaibang karakter Matapos ang ilang matatagumpay na mga pelikula at palabas, bumalik muli si Eugene Domingo sa kanyang theatrical roots — at hindi niya nabigo ang mga manunuod. Nakilala si Eugene sa kanyang pagganap sa mga comedy na role, ngunit naipakita niya sa "Bona" ang galing niya rin sa drama. Gaya ng mabilis na pagbabago ng set ng PETA, naipakita rin ni Eugene ang kakayahan niyang mabilis na pagbabago ng kanyang mga emosyon sa entablado — mula comedy patungong drama. Halimbawa, sa isang eksena, tuwang-tuwa siya habang pinapanuod ang talent search na palabas, ngunit nang mapanuod niya ang nakalulungkot na kwento ni Gino, agad siyang naluha. Maliban niyan, dapat hangaan din ang kanyang pag-adlib. Sa isang mabilisang pagpapalit ng set, may mga naiwang usok sa entablado kahit na nasa loob na dapat sila ng bahay para sa eksenang iyon. Dahil sa mabilis na pag-iisip ni Eugene, humirit na lamang siya at sinabi, "Ay, nagba-barbecue na naman ang mga kapatid-bahay." Nakatanggap ito ng ilang malalakas na pagtawa. Nauna nang inihayag ni Eugene ang kanyang pangambang makumpara sa nag-iisang Superstar Nora Aunor. Ngunit hindi naman niya kinakailangang matakot sapagkat nagawa niyang iba ang karakter na Bona mula sa ginampanan ni Nora Aunor. Tila magkaiba ang kanilang mga karakter na nakaranas lamang ng parehong sinapit. — BM, GMA News Mapapanuod ang "Bona" sa PETA Theater Center hanggang Setyembre 23. Para sa tickets, maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod: Robert Ceazar Marzan:  0922.888.5348 Jayme del Rosario: 0927.202.2017 or Onay Sales: 0917.908.0565 Maaari ring bisitahin ang site na ito: watchplays.blogspot.com