Filtered By: Topstories
News

Wika at Kolonyal na Pag-iisip


Nitong nakaraang Agosto, binuksan ng premyadong makatang si Rebecca T. Añonuevo, ang tagapamuno ng Departamento ng Filipino, ang isang eksibit sa Miriam College bilang selebrasyon sa Buwan ng Wika. Makulay ang eksibit na ginawa ng mga estudyante namin sa mga asignaturang Filipino. Mayroon silang mga likhang-sining na nagbigay ng hubog at mukha sa napagkasunduan naming tema—“Ang Wikang Filipino Tungo sa Isang Mapagpalayang Edukasyon."

Ang isang klase ko sa Retorika ay gumawa ng malalaking bersiyon ng ating pera kung saan pinalitan ang mga bayani natin ng mga Amerikanong personalidad—si Barrack Obama sa isanlibong piso, si Paris Hilton sa limandaang piso, si Ophrah Winfrey sa dalawandaang piso, at ang Jonas Brothers sa isandaang piso. Nanatili naman si Rizal sa baryang piso. Pagsasalarawan umano ito ng mas pagpapahalaga natin sa wikang Ingles at sa kulturang banyaga, at mababang pagtingin sa sariling kultura. Tampok ang mga larawan, maikling talambuhay, at isang tula tungkol sa wika ng mga nangungunang makata ng bansa sa wikang Filipino tulad nina Jose Corazon de Jesus, E. San Juan, Jr., Cirilo F. Bautista, Benilda Santos, Rofel Brion, Rebecca T. Añonuevo, Roberto T. Añonuevo, Eugene Evasco, at marami pang iba. May mga orihinal din na tulang sinulat ng mga estudyante. Nasa Sebuwano ang pambungad na pananalita ng dekana ng College of Arts and Sciences na si Dr. Maria Lourdes Quisumbing-Baybay. Bilang isang Sebuwana, naniniwala siya na malaki ang papel ng iba’t ibang mga katutubong wika upang mas maging representatibo ang Wikang Pambansa. Wika at Kolonyal na Pag-iisip Biktima ang kaluluwa ng ating bansa ng ating madugong kasaysayan. Dahil sa likas na yaman ng ating arkipelago, pinag-agawan tayo ng mga dayuhang mananakop. Nagtagal nang halos apat na siglo ang ating pagiging kolonya ng Espanya, at makikita ang malaking epekto nito sa ating mga wika at literatura. Masyadong maraming mga katagang Kastila ang makikita sa Tagalog, Hiligaynon, Kinaray-a, Cuyunon at iba pang mga wika. Katunayan, marami sa aming taga-Antique ang tumutukoy sa aming puso na “korason," mula sa Kastilang “Corazon." Ang Chavacano ng Zamboanga at Cavite ay parang Kastila sa pandinig, kung kaya ang tawag dito ay “bastardized Spanish." Nang talunin ng mga Katipunero ang mga Kastila noong Rebolusyong 1896, sinakop naman tayo ng mga Amerikano sa bisa ng Treaty of Paris. Ipinadala nila noong 1904 ang barkong S.S. Thomas kung saan lulan ang mga gurong Amerikano, tinaguriang Thomasites, na nagturo sa ating mag-Ingles. Dahil likas na magagaling tayong mga Filipino, agad nating natutunan ang wikang ito. Noong 1925, napablis sa unang pagkakataon ang isang maikling kuwento sa Ingles na sinulat ng isang Filipino—ang “Dead Stars" ni Paz Marquez Benitez. Sa ngayon, marami na tayong magagaling na manunulat sa Ingles katulad ng mga Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura na kinabibilangan nina Nick Joaquin, F. Sionil Jose, N.V.M. Gonzales, at Edith L. Tiempo. Kahit hindi nagtagal ang pananakop ng mga Amerikano, naiwan naman nila ang impluwensya ng wika. Ang Ingles ay opisyal na wika ngayon ng pamahalaan at kalakalan. At ang pinakamasaklap sa lahat, ito ang naging pangunahing wika ng ating mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad.
Kasaysayan ng Wikang Pilipino Mahalagang maintindihan ang kasaysayan ng Wikang Pambansa – kung paano ito nagsimula bilang Tagalog (kung saan umalma ang mga Bisaya), naging Pilipino, at ngayon nga ay Filipino na. Isang arkipelago ang Filipinas kung kaya nagkaroon ito ng maraming katutubong wika. Ang maganda sa penomenong ito ay nagkaroon din ng kaniya-kaniyang literatura ang bawat etnolingguwistikong grupo. Dahil dito, maraming mulat na mga kritiko katulad ni Isagani R. Cruz ang nagsasabing “isa sa pinakamayamang literatura sa mundo ay ang literatura ng Filipinas." Noon pa mang sinulat ang 1935 Konstitusyon, nabanggit na ang pagkakaroon ng wikang pambansa. Nakasaad sa Artikulo 14 Seksiyon 3 na, “Ang Konggreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika." (Art. 14, Sek. 3) Noong 1936, itinatag ni Pangulong Manuel Quezon ang Surian upang mamuno sa pag-aaral at pagpili sa wikang pambansa. Tungkulin ng Surian na magsagawa ng pananaliksik, gabay at alituntunin na magiging batayan sa pagpili ng wikang pambansa ng Filipinas. Si Jaime de Veyra ang naging tagapangulo ng komite na nagsagawa ng pag-aaral, at napili nito ang Tagalog bilang batayan ng “Wikang Pambansa." More...
Naging matindi ang ating pag-iisip na kolonyal. Ang Wikang Filipino sa Edukasyon Marami nang mga hakbang na ginawa ang iba't ibang sektor upang malinang ang wikang pambansa. (Tunghayan sa kaliwa) Noong dekada '90, naging dibdiban ang pagsalin at paglalathala sa Filipino ng mga obramaestra sa literatura mula sa iba't ibang rehiyon. Ito ang “Seryeng Panitikan" na nilahukan ng tatlong imprentang nakabase sa unibersidad—Ateneo de Manila University Press, De La Salle University Press, at University of the Philippines Press. Nagpalabas din ang University of the Philippines ng isang Palisi sa Wika hinggil sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo. Nagkaroon ng limang taong “transition period" bago maituro ang maraming asignatura sa wikang Filipino. Itinatag ang Sentro ng Wikang Filipino na mayroong mga sangay sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang mangalap ng mga salita mula sa iba't ibang wika, magsalin ng mga libro, at sumulat ng pananaliksik sa Filipino. Ang kanilang jornal na Daluyan ay naglalaman ng mga teorya at praktika ng paggamit ng sariling wika sa ating edukasyon. Nang mauso ang mga call center nitong mga nakaraang taon, unahan ang mga kolehiyo sa pagtuturo ng tinatawag na “Standard American English." Kaya gulat na gulat ako nang magpalabas si DepEd Kalihim Jesli Lapus noong nakaraang buwan ng kautusan na gagamitin na ang katutubong wika sa pagtuturo sa elementarya. Nagkunsulta raw kasi siya sa mga eksperto sa wika at edukasyon at nalaman niya na mas madaling matuto ang isang bata kung sa sariling wika ito tuturuan. Haleluya at sa wakas naliwanagan ang DepEd! Ibig sabihin nito, ang mga batang mag-aaral sa amin sa Antique ay sa Kinaray-a na tuturuan. Noong nasa elementarya pa lamang kasi ako, kasalanang mortal at may multang 25 sentimo ang bawat katagang Kinaray-a na mausal sa aming paaralan. Mapagpalayang Wikang Pambansa Hindi maitatatwa na kaakibat ng wikang Pambansa ang pagiging mapagpalaya. Walang mali sa paggamit natin ng Ingles. Kung wika kasi ang pinag-uusapan, wala namang wika ang lamang o mas mababa sa ibang wika. Nagiging makapangyarihan at masama lamang ang wika kung gagamitin ito upang sakupin ang isipan ng isang lahi. Nagiging mali lamang ang Ingles kung mas pinapahahalagahan natin ito kaysa mga wikang katutubo, at kung mas iginagalang natin ito kaysa ating sariling wikang pambansa. Kailangan din naman natin ang Ingles at ang iba pang mga wikang banyaga. Sa panahon ng globalisasyon at internet, kailangan natin ng wika na magagamit natin sa pakikipag-usap sa iba pang mga tao sa mundo. Sabi nga ni Dr. Leoncio P. Deriada, Palanca Hall of Famer at at Professor Emeritus ng Literatura sa U.P. Visayas, ang bawat wika ay bintana upang matanaw natin at maunawaan ang mundo. Kung mas marami ka raw wikang alam, mas marami kang bintanang magagamit upang yakapin ang mundo nang buong-buo. Pero dahil isang mahirap na bansa ang Filipinas at marami sa atin ang walang pagkakataong matuto ng mga banyagang wika, kailangang mabuo na natin ang pambansang wika upang mas maging pantay-pantay ang lahat. Ito lang ang tanging paraan upang maging malaya tayong lahat na mga Filipino. (Ang may-akda ay guro ng Literatura sa De La Salle University-Manila at ng Filipino sa Miriam College. Nagkamit na siya ng mga gantimpala mula sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at National Book Awards.)
LOADING CONTENT