Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad
Tula ukol sa 'Paskong Pinoy'
By GILSON ACEVEDA
This poem was shared by one of GMA News Online's readers -- Gilson B. Aceveda.
PASKONG PINOY Ang dama de noche’y, humalimuyak sa dilim Ang mumunting bitui’y, walang kasing ningning Ang hangi’y malamig, Oh! Kay sarap samyuin Hamog sa umaga’y, dumidilig sa hardin Bahay kubo sa bukid, ay pinalalamutian Ng mumunting mga parol, na nagsisikintaban May kani-kaniyang belen, na salamin ng sabsaban Kung saan ang Tagapagligtas, ay pakumbabang isinilang Pagsapit ng gabi’y, nagsisipagkantahan Ang mga binata, pati kadalagahan Awiting pamasko, Oh! Kay sarap pakinggan Gumagaan ang puso, sa mga himig na kay inam Ang mga paslit nama’y, nangagsisi-awit din Bitbit ang mga lata, kasama ang tambourine Mananapat sa mga bahay, hudyat ng pangangaroling Kung saan ang mga barya’y, matamang lilikumin Natutulog pa ang araw, maaga ng gumigising Ang magkakabaryo’y, sama-samang mangingilin Simbang gabi sa nayon, pilit kukumpletuhin Upang gabayan Niya, at sila’y pagpalain Sa gabi ng Noche Buena, pamilya’y sama sama Konti man ang pagkain, sa maliit nilang mesa Hindi nila alintana, konti man ang handa Basta’t ang pamilya’y, kumpleto’t masaya Handang mga pansit, at masarap na nilupak Kanilang ibinabahagi, sa mga kamag-anak Sukli naman nila’y, sumang pagkakasarap Sinasawsaw sa asukal, pagkadaka’y pinapapak Sa umaga ng Pasko’y, karibok na ang lahat Bata at matanda’y, kani-kaniyang gayak Magagara ang damit, sa kalye ay nagkalat Magmamano sa mga Ninong, bibisita sa kamag-anak Pagkabigay ng basbas, ng mga Ninong at Ninang Abot tainga ang ngiti, ng mga kabataan Sapagkat sa pag-uwi’y, may regalo ng tangan Bukod pa sa salaping, pudpod na sa kabibilang Ito namang sina magulang, matamang naghihintay Sabik sa pagdating, ng kanilang mga inakay Pagkat pinamaskuhan, sa kanila’y pilit ipapa-alay Upang may pantustos daw, sa pang araw-araw na buhay Ang mga bata namang, nag-alay nga ng salapi Di mapinta ang mukha, kabi-kabila ang hikbi Akala nilang pinamaskuhan, naisin na’y mabibili Sa palad pala ng mga magulang, lahat makukubli Oh! Ang pasko nga naman, hindi lang talaga pambata Minsan nga’y mas masaya pa, ang mga nakatatanda Lalo na’t ang mga anak, ay anim o higit pa Daig pa ang naka BONUS, sa laki ng kinikita Subalit magkaganoon ma’y, huwag pa ring lilimutin Na ang Kapaskuha’y, hindi tungkol sa kikitain Pagbibigayan at Pagmamahalan, ay patuloy na paghariin Pagkat ito ang araw, na si Hesukristo’y sumaatin! Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon Kabayan! More Videos
Most Popular