Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Swerte sa yate


Sana po’y magustuhan ninyo ang kaunti kong salaysay at maibahagi ko sa ating mga kababayan ang aming munting mundo ng Yate. Nico Buhay sa Yate: Living a life with the rich and famous Natutuhan kong magtrabaho sa yate sa tulong ng mga pinsan ko. Katatapos ko pa lang ng high school, naiisip kong lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran. Sa kabutihang palad, tinulungan ako ng mga pinsan kong makapasok sa pinagtatrabahuhan nilang yate sa Manila Yacht Club. Kahit walang alam sinikap kong matutunan ang lahat ng kanilang ginagawa. Mabait naman ang may-ari at tinulungan akong makapag-aral sa kolehiyo. Dahil sa ambisyon kong makatulong sa aking mga naiwang kapatid ay naganyak akong mag abroad. Nang mag-edad ako ng disi-otso años ay lumapit ang swerte sa akin. May dumating na yate mula sa Hongkong at nabalitaan ko na naghahanap sila ng crew para mag-around the world cruise. Nag-apply ako agad at sa awa ng Diyos ay tinanggap naman ako agad ng may-ari. Bale isang pamilya ang sakay ng yate. Ang may-ari na siya na ring kapitan, ang asawa niya at ang dalawa nilang anak na 7 at 5 na taon gulang. Dahil me konti na akong experience at pinag-aral din ako ng dati kong boss ng Basic Seamanship, madali na lang sa akin ang trabaho kahit mag-isa lang ako. Naging all-around crew ako. Ginagawa ko mula navigasyon, check ng makina, linisin ang yate at mag-alaga sa dalawang bata. Hindi ko inalintana ang pagod dahil alam kong marami akong matututunan kahit na ang sweldo ko noon ay 150 US dollars lang. Doon ako nakaranas ng mag-navigar ng anim na oras pagkatapos magluto ng pagkain ko at magpahinga. Umabot kami hanggang Phuket, Thailand at doon marami akong naging mga kaibigang Pilipino. Napag-isipan kong talagang mahirap ang trabaho ko lalo na’t nag-iisa lang ako kaya inisip kong umuwi. Nagpaalam ako sa amo ko at hindi sila natuwa at hindi nila binayaran ang ticket ko pauwi. Kinontact ko ang dati kong Boss sa Manila para humingi ng tulong para makauwi. Binilhan niya ako ng ticket at pinauwi ako sa Maynila. Bumalik ako na magtrabaho sa yate n’ya at dahan-dahan kong binayaran ang utang ko sa kanya sa ticket ko. Itinuloy ko ang aking pag-aaral dahil okey lang sa Boss namin at sa umaga lang ako nagtatrabaho at pasok ako sa hapon. Pagkalipas ng dalawang taon, napag-isip-isip ko uli na sumubok mag-abroad dahil alam kong walang mangyayari sa akin sa sweldo kong 2,500 pesos isang buwan. Isang araw may dumating na kapitan ng Yate sa Europa para mag-interview ng crew para sa yate niyang bagong ginagawa sa Germany. Dahil may experience na ako sa pagiging deckhand sinubukan kong mag-submit ng resume ko. Nagkita kami sa Sheraton Manila at pagkabasa niya sa resume ko ay sabi n’ya na “Maybe you are the one we are looking for." Swerte ko talaga kasi normally mga nakatapos ng nautical (engineering course) ang kailangan para maging seaman pero heto ako ‘di ko pa nga natatapos ang electronics ko na dalawang taon. Sabi ng kapitan magaling daw ang English ko kaya ako ang pinili nila. Nabihasa ako sa pag-English kasi British ‘yong boss namin sa Manila Yacht Club at ‘yong iniwan ko sa Thailand ay British din. Saka meron kaming 10 words in English per day naime-memorize tapos tatanungin kami ng boss namin at sasabihin namin sa kanya ang meaning in English and Tagalog. That way natuto kami ng English at natuto rin siya ng Tagalog. Anyway, pinag-Solas ako ng Kapitan kasama ng iba pang Pilipino na ini-hire nya. Kinunan kami ng seaman’s book at lumipad kami papuntang Germany. Nabigla ako ng makita ko ang size ng yate -- 240 ft ang haba at parang palasyo. Sabi ng Kapitan 70 million dollars daw ang ginasto ng may-aring Saudi Arabian sa yateng iyon. Ito ang pinakauna kong yate sa Europe. Sa isip ko paano kaya lilinisin ang yate na ‘to e ‘yong yateng iniwan ko sa Maynila ay 75 ft lang. Lima kaming mga deckhand sa department namin at ako lang ang Pinoy. Nalaman ko na ako lang pala ang may experience sa power boat at ang iba ay galing sa sail boat at ang iba nama’y wala talagang alam. Dalawa ang uri ng yate, ang power boat na makina ang nagpapatakbo at sailing boat na layag ang nagpapatakbo.
Perfect example po ng sail boat at powerboat ang M/Y Tatoosh of Paul Allen S/Y Phocea sa misis ng may ari ng Lady Moura. Ginawa akong pinaka-leading deckhand ng chief officer dahil sa experience ko at ako ang nagtuturo sa mga kasamahan kong puti kong ano ang instruction ng chief officer sa Bosun namin. Malungkot ang unang mga buwan ko sa trabaho dahil dalawang buwan lang mula nang ikasal ako ay natanggap naman ako sa trabahong ito. Tiniis ko ang hirap at dahil naman kasagsagan ng summer sa Europa ay naging busy kami. Minsan pag naho-home sick ako ay kumukuha ako ng isang boteng wine, libre kasi ang wine sa amin, at iniinom ko mag-isa sa CR ng kwarto ko, sabay iyak. Nakahihiya man sabihin pero okey na rin. Sumakay ang may-ari ng straight na anim na linggo at derederetso kami. Palaging may party gabi-gabi. Minsan ay umaabot sa 50 katao ang imbitado sa yate. Marami rin akong mga naging kaibigan na mga Pilipino na doon nagtatrabaho sa bahay ng may-ari ng yate sa Jeddah. Pinagbawalan kami ng kapitan namin na banggitin sa mga taga-bahay ang sweldo namin dahil medyo may kataasan ang sahod namin sa kanila. Pagkatapos ng ilang taon, marami na rin akong naging mga kaibigan na Filipino na nagtatrabaho sa malalaking yate ng mayayamang tao sa buong mundo.
Ang malaking yate na ‘to ay personal na pag-aari ni Paul Allen ng Microsoft, 360+ ft, marami ring Filipino sa yateng ito na sobra sa 300M US dollars ang ginastos pagpapagawa
Ito ang may pinakamaraming Filipino na yate ngayon, 40+ , pag-aari ng isang Saudi Arabian. Nagsilakihan na rin ang mga yate at maraming mga Pilipino na ngayon ang nagiging crew. Ang kagandahan sa yate ay kahit hindi ka nakapagtapos ng nautical ay pwede kang maging crew ng yate. Maraming mga crew sa yate na ang trabaho ay steward, stewardess, laundryman, marami ring engineers at mga deckhand. Importante sa yate ay ang communication skills mo. Araw-araw nasa harap ka ng pinakamayamang tao sa mundo at pinakamaimpluwensyang tao sa mundo. Hindi pwedeng balu-baluktot ang English mo. D’yan magaling ang Pinoy. Compared sa ibang mga lahi lalo na sa Asia ay magaling ang communication skills natin. Sabi ko nga sa mga kasamahan ko na ikaw ba naman magkaroon ng English mula kindergarten hanggang college pag ‘di ka naging bihasa. Katulad din ng ibang trabaho sa ibang bansa, dumaranas din kaming mga taga-yateng Filipino ng discriminasyon ng ibang lahi. Ika nga nilu-look down nila tayo palagi. Pero okey lang ‘yan hindi naman pagalingan ang pinunta natin dito sa ibang bansa. Nandito naman tayo para kumita ng malaking pera para mabigyan natin magandang buhay ang mga naiwan nating pamilya. Minsan nga nagtatanong ang mga puti bakit daw masipag ang mga Filipino. Ang sagot ko, dahil sa laki ng tinatanggap naming sweldo dito sa ibang bansa. Kahit na magtrabaho ka ng 24 oras sa Filipinas hindi mo pa rin kikitain ‘yan sa isang oras na trabaho mo sa yate. Ngayong Segundo, opisyal na ako dito sa pinapasukan ko. In-charge ako sa mga trabaho sa labas gaya ng magpintura at magvarnish. Kinakailangan kong kumuha ng extra na tao minsan dahil kaunti lang kami at nasa bakasyon ang iba kong kasamahan. Palagi akong kumukuha ng mga Filipino na may alam na rin sa trabahong yate. Pinapasweldo ko sila ng 15 euro isang oras. Mas pinipili ko ang mga Filipino kasi pag puti ang kinuha mo ay dadaanin lang sa kwentuhan ang trabaho at palagi pang palpak. Hindi kasi marunong gumamit ng common sense ang karamihan sa mga puti. Ewan ko bakit ba. Medyo sensitive ang trabaho sa yate lalo na sa labas. Ang pintura ng yate ay parang pintura ng kotse kakintab at napakadaling magasgasan kaya kailangang maingat talaga. Pagnagre-repair kami ng pintura ay para ka ring nagpipintura ng kotse. Karamihan sa mga handrail ng yate ay barnisado at hindi lang basta-bastang pag-varnish ang ginagawa namin. May mga procedures akong ginagawa para walang alikabok at makintab ang varnish na parang salamin pag natuyo. Sa yate kailangan lahat na makintab ay kinakailangan palaging makintab araw-araw. Hindi pwedeng matuyo ang tubig sa ibabaw ng pintura, varnish o stainless, kailangang punasan ‘yan at patuyuin. Kailangang palaging malinis ang sapatos mo bago ka tumapak sa sahig para ‘di madumihan ang sahig na kahoy na ini-scrub halos buwan-buwan. Maraming magandang benefits na makukuha sa yate. Mas mataas sa average na sahod ng mga seaman ang ibinibigay sa amin. Kumpleto kami ng medical insurance at tuloy ang sahod kahit na nakabakasyon. Karamihan sa mga yate ngayon ay may Internet (access) na via sattelite kaya pwede mo nang makausap ang mga mahal mo sa buhay araw-araw nang libre. Naiikot mo ang buong mundo ng libre at binabayaran ka pa. Minsan mapupunta ka sa yate na ipinapa-rent (charter). Palaging may tip ‘yan pagbaba ng bisita na normally 10 percent ng ibinayad nila at paghahatian ng lahat ng crew. Ang yate ko ay nagcha-charge ng 200 thousand dollars sa isang linggo pwera pa ang extra expenses gaya ng pagkain, fuel at sevices. May mga yate na nagcha-charge ng 500 thousand dollars isang linggo at may charterers na umuupa ng mahigit isang buwan kaya tiba talaga ang crew pagbaba ng charterers. May mga kaibigan akong nakapagpatayo na ng kani-kanilang mga pauupahang apartment sa Pilipinas sa tip lang. Hindi naman lahat ng buhay ay masarap sa yate. Dahil sa kaunti lang kayo ay madaling magkainitan ng ulo. Minsan mararanasan n’yong mag trabaho ng 24 hours dahil gusto mag-party ng guests o ng may-ari. Sa malaking yate nand’yan na ang inggitan,selosan, kesyo paborito ni chief si ganito, tapos may sipsip na kasamahan na walang ginawa kundi siraan ang ibang kasamahan. Nangyayari ito palagi sa mga Filipino lalo na pag marami. Gawain din ito ng mga puti. Mas matindi pa nga siguro sila dahil ‘di pa nga nakakatalikod ang tao pinag-uusapan na nila. Isang reason ng diskriminasyon ng mga puti sa atin ay insecurity. Natatakot silang malamangan natin dahil alam nilang magaling tayo sa kanila. Sa larangan ng trabaho, professionalism at sipag walang makakatalo sa Filipino. Kahit na sa ating mga lisensya. Ang lisensya ng mga opisyal na puti sa yate ay mas mababa kumpara sa ating lisensya. Karamihan sa mga kapitan lalo na sa mga below 3000 gross tonnage na yate ay Master Yacht 3000 tons lang so limited sila hanggang 3000 tons. Ang lisensya natin ay unlimited kaya pwede tayong mag-drive kahit gaano kalaking yate o barko kaso ‘di naman papayag ang mga puting maging under sila sa atin, ‘di ba? Ang mas masakit sa lahat ay pag nasa byahe at masama ang panahon. Dahil sa liit ng yate kumpara sa mga commercial na barko ay mararamdaman mo talaga ang malalaking alon. Minsan dumadaan kami sa mga 5 metrong alon sa Atlantic Ocean. D’yan ko palagi naiisip na sana makaipon na ako agad at makahinto na. Minsan isang linggong byahe na masama ang panahon pero kailangan talagang makarating sa sunod na pwerto dahin naghihintay ang may-ari. Pero isip-isip ko na lang pareho lang naman tayo lahat dito sa ibang bansa maganda man o pangit ang trabaho mo isa lang ang hangarin natin kung bakit tayo nandito, ang magsikap para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak natin, sa hirap man o ginhawa. Ang mga paghihirap na dinaranas natin ang siyang nagbibigay sa atin ng lakas ng loob para lalong magsumikap dahil kahit papaano masuwerte pa rin tayo.
Kuha namin noong nasa Red sea kami pabalik ng Europe. Almost 17 years na po akong nagyayate. Ngayon 34 years old pa lang ako malapit ko nang matapos bayaran ang bahay na binili ko at maganda na ang pamumuhay. Maraming dumaang pagsubok sa buhay ko pero inisip ko na lang ‘yan na part ng ating pakikipagsapalaran sa buhay. Natulungan ko na ring makapagtrabaho sa yate ang isa kong kapatid at maganda na rin ang pwesto n’ya ngayon.
Teleost in the Island of Seychelles
Ito po ang yateng sinasakyan ng kapatid ko ngayon. Payo ko lang sa mga gustong mag-abroad, kung dumating ang swerte sa ‘yo sikapin mong mapangalagaan ang swerte na ‘yan. ‘Wag mong kalimutang tumulong sa ibang tao nang walang kapalit dahil ‘yan ang magbibigay ng higit pang swerte sa ‘yo. Mahirap po ang buhay sa abroad kaya kung kaya n’yong ipunin lahat ng kita n’yo ay ipunin n’yo, na kahit tawagin kayong kuripot, okey lang po ‘yon. Dahil kung marami ka nang naipon, pwede ka nang umuwi at mag-umpisa ng sarili mong kabuhayan ng walang amo kundi ikaw. ‘Ika nga kung nalulunod ang barko mo, sagipin mo muna ang sarili mo bago ang iba dahil kung inuna mo ang iba na hindi ka secured, lulubog kayong lahat. Gumagalang, Arnico L.Cartalla 2nd Officer, Sports Fishing Mate, Rescue Diver, Wakeboard and Water sports Instructor M/Y Teleost 160 Ft. Private/ Charter Yacht
LOADING CONTENT