Filtered By: Topstories
News

Nagbunyag ng ‘Hello Garci’ tape scandal pumanaw na


MANILA – Pumanaw nitong Biyernes sa sakit na lung cancer ang dating opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagbunyag sa “Hello, Garci" tape scandal noong 2005 na kamuntik magpabagsak sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Idineklarang patay dakong 6 p.m. si Samuel Ong, 64-anyos, sa Chinese General Hospital. Nabisita pa ni dating pangulong Joseph Estrada si Ong sa pagamutan bago ito pumanaw. Ilang minuto matapos umalis si Estrada, nakaranas umano si Ong ng cardiac arrest at hindi na ito naisalba ng mga duktor. “Hindi pa nga ako nakakarating sa bahay, nauna na sa akin. Hindi ko nga makausap. Pinipisil lang ang kamay ko. Nagulat nga ako," kuwento ni Estrada. “Hinintay lang akong dumating," dagdag ng dating pangulo patungkol kay Ong. Sinabi ng pamilya ni Ong na nais ng pumanaw na dating opisyal ng NBI na maalala siya na itinaya ang buhay at kaligtasan ng pamilya sa pagnanais na mailabas ang katotohanan sa kontrobersiya sa gobyernong Arroyo. Sinuportahan naman ito ni Estrada na nagsabing, “Sabi ko naman maalala si Samuel bilang bayani ng katotohanan. He will go down in history." Umaga nitong Biyernes nang sumugod sa pagamutan si Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani upang magkaloob ng banal na sakramento kay Ong. Ayon kay Bacani, masama na ang kalagayan ni Ong at hindi na makapagsalita nang datnan niya sa ospital. Naging labas-pasok umano si Ong ospital matapos matuklasan ang kanyang sakit na kanser noong Nobyembre 2008. Si Ong ang nagbitaw ng sikat na ngayong salita na “mother of all tapes," nang ibunyag niya ang "Hello, Garci" tapes na naglalaman ng pag-uusap ng isang babae at lalaki para manipulahin umano ang resulta ng 2004 presidential elections. Hinihinala na ang babae at lalaki sa naturang taped conversation ay sina Gng Arroyo at dating Elections commissioner Virgilio Garcillano. Dahil sa naturang taped conversation, lumakas ang panawagan kay Gng Arroyo na magbitiw sa posisyon. Kasunod naman nito ay humingi ng patawad si Gng Arroyo sa mga Filipino dahil sa nagawang “lapse of judgment." Bagaman inamin ang pakikipag-usap sa isang opisyal ng Comelec, hindi naman ito pinangalanan ng pangulo.- GMANews.TV