Filtered By: Topstories
News

RP inireklamo sa US ng Fil-Am activies na dinukot daw ng militar


Nagsampa na ng reklamo ang Filipino-American activist na si Melissa Roxas sa United States Department of State laban sa gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagdukot at pagpapahirap umano sa kanya ng mga sundalo habang nasa Pilipinas noong Mayo. Sa 21-pahinang reklamo ni Roxas na isinampa noong Hulyo 1 sa tanggapan ni US Secretary of State Hilary Clinton, hiniling nito sa gobyerno ng US na magsagawa ng masusing imbestigahan ang pananagutan ng gobyerno ng Pilipinas sa umano’y pagdukot at pagpapahirap ng militar sa nagrereklamo. Sinabi ni Roxas na sapilitan siyang isinama (kasama ang dalawang iba pa) ng 15 armadong lalaki habang nasa lalawigan ng Tarlac noong Mayo 19 upang maghanda sa gagawing medical mission sa lugar. Dumanas umano si Roxas, kasapi ng militanteng grupo na BAYAN sa US, ng mental at physical torture sa loob ng anim na araw na pananatili sa isang kampo na pinapaniwalaang kontrolado ng militar. Nakasaad din sa reklamo na ginawa ng abogado ni Roxas na si Atty Arnedo Valera, ang paghahain ng protesta laban sa Pilipinas dahil sa alegasyon ng “pattern of abduction, forced disappearance, torture, extra-judicial killings and other human rights violations committed under the presidency of Gloria Macapagal Arroyo." Nakapaloob din sa reklamo ni Roxas ang iba pang impormasyon na ibinigay ng ilang militanteng organisasyon tungkol umano sa ginagawang pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao ng gobyerno ng Pilipinas. Sa listahan ng human rights group na Karapatan, mula nang manungkulan si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Enero 2001 hanggang Marso 2009 ay nakapagdukomento sila ng 1,017 kaso ng extra-judicial killings; 201 kaso ng pagkawala ng tao; 203 kaso ng pagdukot, at 1,010 kaso ng pagpapahirap. Bumalik si Roxas sa kanyang tirahan sa Los Angeles noong Hunyo 1 matapos maihain sa Korte Suprema ng Pilipinas ang petisyon ng Writ of Amparo at Habeas Data para humingi ng proteksyon sa kanyang sarili at sa pamilya. - GMANews.TV

LOADING CONTENT