Filtered By: Topstories
News

Masahol pa raw sa orig: Bagong bersyon ng text tax pinalagan uli


MANILA – Kinondena ng isang grupo ng konsumer ang pagsasamantala umano sa bagyo ng ilang kongresista para ilusot ang panibagong bersiyon ng panukalang batas na magpapataw ng buwis sa text message. Sa isang pahayag, tinawag ni Anthony Ian Cruz, presidente ng grupong TXTPower, na masahol pa ang bagong bersiyon ng panukala na magpapataw ng 10 percent of gross receipt sa lahat ng ipadadalang text messages. Sa orihinal na bersiyon na inihain ni Quezon Rep. Danilo Suarez, nais nitong singilin ng limang sentimong buwis ang bawat ipadadalang text message. “In the middle of a state of calamity, some congressmen seem to have worked overtime to hammer out a new text tax bill to oppress the public, instead of providing relief to victims of typhoons," ayon kay Cruz. “We say an unconditional no to any new tax in whatever form or shape. Your new bill is worse than the original one you wished to ram down our throats," idinagdag niya. Sa isinagawang pagdinig ng House committee on ways and means nitong Martes, sinabi ng tagapangulo ng komite na si Antique Rep. Exequiel Javier, na ang paunang koleksyon sa buwis ay ilalaan sa P10-bilyong supplemental budget para tulungan ang mga biktima ng bagyong “Ondoy" at “Pepeng." Kapag nalikom ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyo, ilalaan na ang mga susunod na koleksyon sa pagpapahusay ng edukasyon ng bansa. “The trust fund is going to be permanent and it will not be subjected to budgetary politics. It will be used to address the shortage of classrooms and give our youth access to college education," paliwanag ni Javier. Bukod kina Suarez at Javier, suportado rin ni Ilocos Sur Rep. Eric Singson ang bagong bersiyon ng panukala. Sinabi ni Singson na maglalagay sila ng probisyon sa batas upang tiyakin na hindi maipapasa ng mga telecommunication companies sa kanilang mga consumer ang sisingiling buwis. Sa naturang pagdinig, nanindigan naman ang Globe Telecom na tutulan ang panukala. “Come on, let us be real about this. Let us not mislead the public. Whether you like it or not, we will pass it on," ayon kay Rodolfo Salalima, chief legal counsel ng Globe. The House panel is threading on dangerous, unconstitutional grounds since all taxes are passable to consumers except income tax," idinagdag pa niya. - GMANews.TV