Filtered By: Topstories
News

‘Condom protest’ isinagawa bilang suporta kina Aquino, Celdran sa RH bill


MANILA – Ilang tagasuporta ng reproductive health (RH) bill ang namahagi ng condom sa Maynila bilang protesta sa umano’y panggigipit ng Simbahan Katoliko kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, at pagpiit sa tourist guide na si Carlos Celdran. Ang magkahiwalay na protesta ay isinagawa sa Mendiola at Intramuros sa Maynila ng Likhaan Center for Woman’s Health, Democratic Socialist Women of the Philippines, Filipino Free Thinkers, at Akbayan, na kinabilangan ni dating party-list Rep. Risa Hontiveros-Baraquel. Bukod sa hawak na mga placard kontra sa pagharang ng Simbahan sa RH bill, namudmod din ang mga nagprotesta ng mga artificial contraceptive partikular ang condom. Ang protesta ay bunga ng umanoy’ banta na i-excommunicate ng Simbahan si Aquino, at ang pagkakapiit ni Celdran makaraan itong magsagawa rin ng sariling protesta nang dumalo sa isang misa sa Manila Cathedral. Bagaman naisampa na ang kaso laban kay Celdran dahil sa panggugulo sa isang gawaing pang-relihiyon, itinanggi naman ng lider ng Simbahang Katoliko ang bantang excommunication kay Aquino. Ayon sa mga nagprotesta, hindi dapat harangin ng Simbahan ang pagsusulong ng artificial method ng family planning dahil ang mga contraceptive – partikular ang condom – ay hindi lamang para sa pagkontrol ng populasyon kundi para mabawasan din ang pagkalat ng nakamamatay na sakit na nakukuha sa pakikipagtalik tulad ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Pinaalalahanan din ng mga nagpoprotesta ang Simbahan sa itinatakda sa Saligang Batas na “separation of the Church and the State." Nanindigan ang mga nagprotesta na patuloy nilang susuportahan ang programa ni Aquino sa pagpaplano ng pamilya. Nakahanda rin silang magsagawa umano ng mas malaking pagkilos para sa RH bill na nakabinbin sa Kongreso. Samantala, pansamantalang nakalaya sa kulungan ng Manila Police District Station 5 si Celdran, isang tour guide sa Maynila, matapos maglagak ng P6,000 piyansa. Sinabi ni Celtran na hindi siya nagsisisi sa ginawang pagpapahayag ng kanyang saloobin kontra sa ginagawang pagharang ng Simbahan sa RH bill. Nitong Huwebes, nakasuot ng mala-Jose Rizal na damit si Celdran nang maglabas ito ng placard na may nakasulat na “Damaso" sa isang misang dinaluhan nina Papal nuncio Archbishop Edward Joseph Adams, at Gaudencio Cardinal Rosales. Si “Damaso" ay karakter ng isang pari sa kuwentong isinulat ni Rizal na "Noli Me Tangere." - GMANews.TV