Filtered By: Topstories
News

Number coding scheme ‘di raw sapat para malutas ang problema sa trapiko


MANILA – Kailangan na umanong lumikha ng mga bagong highway at tulay ang pamahalaan para malutas ang tumitinding problema sa trapiko sa Metro Manila. Nitong Huwebes, sinabi ni Senador Ralph Recto, na hindi sapat ang ipinatutupad na number o color coding scheme para mapaluwag ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, partikular sa EDSA. "Metro Manila will double in size in 20 to 25 years (but) the problem with traffic will not be solved by way of color coding alone. You have to build, not only mass transit, but new roads and new bridges," pahayag ni Recto, chairman ng Senate committee on ways and means. Kabilang sa mga iminungkahi ng senador ay gumawa ng bagong Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) o elevated highway na magdudugtong sa South Luzon Expressway at North Luzon Expressway. Dapat din umanong dagdagan ng pamahalaan ang mga bagon o coach sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit para mas maraming pasahero ang maisasakay. "With that, people will see that there is hope, or light at the end of the tunnel, so to speak," ayon kay Recto. "You want to build a smart Metro Manila. Ito ang pagkakataon natin ngayon. We can benefit from the economic conditions globally right now." Bukod sa solusyon sa problema sa trapiko ang paggawa ng mga bagong kalsada, sinabi ng senador na ang proyekto ay makapagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino. Samantala, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson, na tatlong malalaking infrastructure projects na nagkakahalaga ng P43.4 bilyon ang sisimulan nilang ipatupad sa 2011. Ayon kay DPWH Sec Singson, ang mga proyekto ay bahagi ng public-private partnership (PPP) program ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Ang mga proyekto ay ang Cavite-Laguna Expressway (Cavite side), Phase 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Expressway, at NLEX-SLEX (North Luzon-South Luzon Expressway) Link Expressway. “The PPP projects are ready for implementation in 2011 only because they have completed feasibility studies," pahayag ni Singson sa isinagawa niyang presentasyon sa Infrastructure Philippines 2010: Investing & Financing in Public-Private Partnership Projects na ginanap sa Marriott Hotel sa Pasay City. Bukod sa mga nabanggit na proyekto, ang iba pa umanong PPP projects na isasagawa ay ang Cavite-Laguna Expressway (Laguna side section), South section of C-6 Expressway (Global City Link), Phase 2 of Central Luzon Expressway (Cabanatuan to San Jose), R-7 Expressway, Calamba-Los Banos Expressway, at iba pa. - GMANews.TV
LOADING CONTENT