Filtered By: Topstories
News

Bangkay ng 3 bading nakita sa Pangasinan, Baguio City


BALITANG AMIANAN – Palaisipan ngayon sa mga awtoridad ang natagpuang bangkay ng tatlong bakla sa Pangasinan at kalapit na lungsod na Baguio nitong Miyerkules. Ang dalawang biktima sa Pangasinan ay magkahiwalay na nakita sa Brgy Asin East sa bayan ng Malasiqui, at sa Brgy Gueguesangen, Santa Barbara. Habang ang isa pa ay nakita naman sa Baguio City. Ang mga biktima ay itinapon sa kalsada ay may palatandaan na pinahirapan bago pinatay. Ang bangkay na nakita sa Brgy Gueguesangen ay may tama ng bala ng baril sa noo, at saksak sa kilikili. May palatandaan din umano na sinakal ang biktima. Samantala, ang biktima na nakita sa Baguio City ay may saksak sa ulo at likod. Dahil sa naganap na krimen, naaalarma ang gay community sa Pangasinan. Ayon sa ilang bakla na nakapanayam, hindi pangkaraniwan na may tatlong katulad nila ang brutal na papaslangin at makikita sa loob ng isang araw. Kaya naman matindi ang kanilang paalala na mag-ingat para makaiwas sa anumang masamang insidente. Mas mabuti umano kung huwag nang lalabas ng bahay kung gabi, o kaya naman ay sa bahay na lang gumimik. Dapat din umanong piliin kung sino ang kanilang kakaibiganin. Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa karumal-dumal na pagpatay sa tatlong bakla. – Balitang Amianan