Filtered By: Topstories
News

Libing ni Given Grace Cebanico, dinagsa


Inihatid na sa kanyang huling hantungan nitong Martes sa Binangonan, Rizal ang 19-anyos na si Given Grace Cebanico, ang estudyante ng University of the Philippines Los Baños, na ginahasa at pinaslang noong nakaraang linggo. Sinasabing umabot ng dalawang oras ang prusisyon sa paghahatid kay Given Grace sa kanyang huling hantungan sa Santo Rosario Memorial Park. Bukod sa mga nakipaglibing, dumagsa rin ang mga tao sa dinaanan ng mga labi ng biktima. Sa kanyang libing, inawit ng mga kamag-anak at kaibigan ang mga paboritong Christian song ni Given Grace. Nagpalipad din sila ng mga lobo na kulay lavender at white. Una rito, nanawagan naman ang ina ng biktima na si Gng Marlene na bigyan ng katarungan ang sinapit ng anak at higpitan ang seguridad sa UPLB para maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa mga kriminal.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV "Alam ko ang hustisya ay makakamit sa lalong mas mabilis na paraan at panahon ... Sana itong nangyari sa aking anak ay hindi mauulit, kung kailangan magdagdag ng tanod, sana mangyari yan para ang naramdaman ko hindi maramdaman ng iba," pahayag ni Gng Marlene sa panayam ng dzBB radio. Nagpasalamat din ang ginang sa mga taong tumulong sa kanilang pamilya. "Nagpapasalamat ako sa tao na nagtutulong. Nakikita ng Diyos, Diyos ang bahala magpala sa lahat na tumutulong sa pamilya namin," ayon sa kanya. Dinakip ng pulisya ang security guard na si Lester Ivan Rivera at tricycle driver na si Percival de Guzman kaugnay sa nangyaring panghahalay at pagpatay kay Given Grace. Natagpuan ang mga labi ni Given Grace noong nakaraang linggo sa isang madamong lugar na hindi kalayuan sa UPLB. Nakaposas ang mga kamay nito at may isang tama ng bala ng baril sa ulo. Inamin pero nagtuturuan ng mga suspek kung sino sa kanila ang humalay kay Given Grace. Gayunman, inako ni Rivera ang pagbaril sa biktima. - FRJ/GMA News

LOADING CONTENT