Filtered By: Topstories
News

Di pagkilos ng Bulacan pyrotechnic board, binatikos


MALOLOS CITY — Binatikos ng mga magpuputok sa Bulacan ang 'di pagkilos ng Pyrotechnics Regulatory Board (PRB) samantalang nalalapit ang Pasko at Bagong Taon.

  Ito ay dahil na rin sa magkakasunod at hiwa-hiwalay na inspeksyong isinagawa ng ibat-ibang ahensiya ng gobyerno sa mga pabrika at tindahan ng paputok sa lalawigan.   Kabilang dito ang napapadalas ng inspeksyon ng Bureau of Fire Protection (BFO) na nagsusuri sa fire safety ng mga tindahan, ngunit hindi nauusig ang mga ilegal na nagtitinda ng paputok.   Ayon kay Celso Cruz, president emeritus ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc., (PPMDAI), dapat ay magkakasama ang pulisya, BFP, Department of Trade and Industry (DTI), PPMDAI, PRB, Department of Health (DOH), pamahalaang lokal at local disaster council sa pagsasagawa ng inspeksyon.   Ito ay upang ang lahat ng problema sa mga tindahan at pabrika – tulad ng fire safety, smuggled, sub-standard at mga ilegal na paputok – ay masuri agad.   Ngunit hindi ito nangyayari dahil sa hanggang kahapon ay hindi pa kumikilos ang PRB, na ayon kay Cruz ay dapat siyang manguna.   Ayon naman kay Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), sa ika-19 ng Disyembre pa umano sila makikipagpulong sa mga bumubuo ng PRB.   Ngunit para sa mga kasapi ng PPMDAI, huli na ang pagsasagawa ng nasabing pulong, dahil anumang oras ay maaaring magkaroon ng insidente ng mga pagsabog sa mga tindahan tulad sa mga nagdaang taon.   Kaugnay nito, ikinagalak ng PPMDAI at iba pang magpuputok ang paglulunsad ng kampnayang Aksyon Paputok Injury Reduction (APIR) ng Department of Health (DOH) dahil sa umaayon ito sa kanilang kampanyang “Ingat Paputok.”   Sa mga nagdaang taon, isinagawa ng DOH ang kampanya “Iwas Paputok” na tinutulan ng PPMDAI dahil sa ito ay hindi ayon sa itinatakda ng Republic Act 7183 o ang batas para sa regulasyon ng paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga paputok.   “Finally, hindi na kontra ang kampanya ng DOH sa aming kampanya,” ani Cruz.   Iginiit niya na ang dating kampanya ng DOH na Iwas Paputok ay hindi epektibo dahil sa kabila nito ay marami pa rin ang naitalang nasugat sa paggamit ng paputok sa mga nagdaang taon. — Romel Ramos /LBG, GMA News