Filtered By: Topstories
News

23-anyos na ginang, ginahasa at pinaslang sa Tarlac


Naging masaklap ang pagpasok ng 2012 sa pamilya ng isang 23-anyos na ginang na pinatay matapos halayin ng mga suspek sa kanyang bahay sa Bamban, Tarlac. Bukod sa maraming saksak sa katawan, sinasabing pinukpok pa ng bato sa ulo ang biktimang si Mary Ann Villanueva, residente ng Brgy San Nicolas sa bayan ng Bamban. Lumitaw sa imbestigasyon na mula sa kanyang bahay ay nagawa pa ng biktima na makatakbo sa labas ng ilang hakbang bago siya inabutan ng mga suspek at tuluyang pinatay. Ayon kay Police Insp. Pascual Delos Reyes ng Bamban police station, walang saplot sa katawan ang biktima nang tadnan ng mga imbestigador ng Scene of the Crime Operative (SOCO). Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, nadakip ang suspek na si Rene Rivera alyas Toroy. Nakuha sa kanya ang isang duguang t-shirt. Ngunit paliwanag ni Rivera, napilitan lang siyang halayin ang biktima dahil tinutukan siya ng baril ng kanyang kasamahan na pinangalanan niyang si Henry Dungca alyas Maton. Ngunit itinanggi ni Dungca ang pahayag ni Rivera at iginiit na hindi niya kilala ang huli. Ayon sa mga awtoridad, kasama ang pangalan ni Dungca sa drug watchlist ng PNP sa Tarlac. Posible umanong nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ang mga suspek dahil na rin sa mga drug paraphernalia na nakuha sa mga ito. Labis-labis naman ang pighati ng ina ng biktima na si Mercidita Crisostomo, dahil sa sinapit ng kanyang anak. -- JPonsoy/RTanedo/FRJ, GMA News