Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagpatay sa sariling misis, biyenan at hipag sa Tundo, sumuko na


Sumuko na sa pulisya nitong Miyerkules ng hapon ang suspek sa pamamaril at pagpapatay sa kanyang sariling misis, biyenan at hipag sa Tundo, Maynila. At ang itinuturong ugat ng pagwawala ay ang hindi naihatid na pulutan at pagsesermon ng biyenan. Sa ulat ni GMA News reporter Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing sumuko sa pulisya ng station 2 sa Tundo, ang suspek na si Ronald Mabasa Cruz, 37-anyos. Sumuko si Cruz pagkaraan ng 24-oras matapos umanong mapatay nito ang misis na si Gina, biyenan na si Sinencia Valencia, at hipag na si Loreta, sa kanilang bahay sa Tundo. Sa panayam ng GMA News, inamin ng suspek na lasing siya at nagdilim ang kanyang paningin dahil na rin sa patong-patong na problema nilang mag-asawa. Nasamahan pa umano ito ng pabunganga sa kanya ng biyenan. Una rito, ikinuwento ng anak ni Cruz na si Geeron, na lasing at galit na umuwi sa kanilang bahay ang kanyang ama mula sa isang inuman dahil hindi ito nahatiran ng pulutan. Lagi umanong mainit ang ulo ng suspek kapag nalalasing, ayon pa sa nakababatang Cruz. Sinaktan din umano siya ng kanyang ama nang himukin niya itong huwag nang manggulo. Sumunod nito ay kumuha na raw ng baril ang nakatatandang Cruz at unang binaril ang ina sa ulo sa harap ng iba pa niyang kapatid. Isinunod naman ng suspek ang biyenan at hipag na nasa labas ng kanilang bahay. Nadaplisan din ng bala sa baba ang Amerikanong si John Walker David na mapapangasawa sana ni Loreta. Ayon kay Sr Insp. Joey Ocampo, hepe ng MPD Homicide Division, nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang mga biktima mula sa 9 mm kalibre ng baril. Sinabi naman ni SPO2 Bart Tupaz, tumulong sa negosasyon para sumuko si Cruz, na nagdalawang isip pa umano noong umpisa ang suspek sa pagsuko. “Sabi ko nga sa kanya nandiyan na ‘yan, harapin niya na lang ang problema at ‘wag niya nang taguan ang problemang ginawa niya, sumuko na siya," kwento ni Tupaz. Paglalahad ni Cruz, sa komprontasyon nila ng kanyang anak ay pinagsusuntok siya ng kanyang misis na dahilan para mabasag ang kanyang pustiso. Pagkatapos ay dumating ang kanyang biyenan at hipag na nagsermon sa kanya. Reklamo ng suspek, lagi siyang binubungangaan ng kanyang biyenan kapag nagpupunta sa kanilang bahay. “Napuno na ‘ko, kasi nagblanko na isip ko nun e. Wala akong balak talaga na anuhin nun… dati lagi kaming nag-aaway nun at para akong namamalimos ng pagmamahal sa kanya," ayon sa suspek. Sinabi ni Cruz na wala raw siyang balak na patayin ang mga kasama sa bahay pero dahil sa mga problema nilang mag-asawa at pagsermon ng biyenan ay nakalabit na niya ang gatilyo ng baril. Humingi naman ng kapatawaran si Cruz sa kanyang mga anak dahil sa nagawa niyang krimen. - FRJimenez, GMA News