Filtered By: Topstories
News

CCT program ng pamahalaan, bigo raw dahil marami pa rin ang nagugutom


Panahon na raw para repasuhin ng pamahalaan ang programa kontra kahirapan dahil nananatiling mataas ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom, batay sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS). Panawagan ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), dapat magkaroon ng makatotohanan pag-aaral ang gobyerno sa kalagayan ng kahirapan at hindi lamang ang datos sa sinasabing pag-unlad. Ayon kay Fr.Edu Gariguez, chairman ng National Secretariat for Social Action (CBCP-NASSA), dapat magsilbing hamon sa gobyerno ang bagong resulta ng survey ng SWS kunsaan lumitaw na bahagyang nadagdagan ang nakararanas ng gutom, kahit bahagyang nabawasan naman ang bilang ng mahihirap. Hinihinala ng alagad ng Simbahan na may kinalaman ang programang Conditional Cash Transfer (CCT program) sa pagbaba ng bilang ng mga mahihirap pero nananatiling marami ang nagugutom. Paliwanag ni Gariguez sa panayam ng Veritas Radio, pantawid gutom lamang ang CCT program kaya panandalian lang ang epekto nito sa buhay ng mga mahihirap na Pinoy. Higit na mahalaga pa rin umano na mabigyan ng trabaho ang mga tao para lubos na masuportahan ang kanilang pangangailangan. Para naman kay Gabriela Party-list Rep Luz Ilagan, panahon na para magpatupad ng mas mahusay na programa ang gobyerno na lulutas sa problema ng kahirapan at gutom sa bansa. Dapat din umanong isipin na halos apat na taon nang ipinatutupad ang CCT program na sinimulan ng administrasyong Arroyo, pero hanggang ngayon ay patuloy na nananatili ang problema sa kahirapan. “The undeniable fact remains that more Filipinos are poor. The Aquino government should cut if not totally forego spending for the CCT. Let us stop wasting billions in taxpayers’ money for a failed anti-poverty program. Instead, this should be realigned to the delivery of direct social services such as health, housing and education," mungkahi ng kongresista. -- MP/FRJ, GMA News

LOADING CONTENT