Filtered By: Topstories
News

Mga dayuhang naghihirap sa Pilipinas


Pangarap ng karamihan sa atin ang makasakay sa eroplano, makapagtrabaho sa ibang bansa, at yumaman. Karaniwan, ang tingin natin sa mga dayuhan ay mas mayaman sila. Subalit sa palabas na "Reel Time" sa GMA News TV ngayong Sabado, ipinakita na may mga dayuhan palang naninirahan sa Pilipinas na naghihirap -- walang makain, walang tirahan, walang maayos na kasuotan. Itinampok sa "Reel Time" ang apat na mukha ng mga pangarap na nasilaw sa ganda ng Pilipinas: si Kurt, Frans, Ward, at Wolfgang.

Isang clip mula sa dokumentaryang "Dayuhang Dukha" ng programang Reel Time, na umeere tuwing Linggo 8:45 PM sa GMA News TV Channel 11.  
Kurt Sampung taon nang naninirahan si Kurt Kolms sa Pilipinas. Isa siyang Amerikano na nagkaroon ng trabaho sa bansa bilang isang kapitan ng marangyang yate. Pagkalipas ng limang taon, natanggal siya sa trabaho. Nagkaroon na rin siya ng pamilya sa Pilipinas noon.   Iba’t ibang klaseng paghihirap ang dinanas ni Kurt at ng kanyang pamilya upang makaraos sa kahirapan. Gayunpaman, hindi siya nawawalan ng pag-asa para sa kanilang kinabukasan.   “A lot of people go to the bridge stand on the edge and jump, I choose not to that’s my belief in God, he’ll take me someday that is inevitable… I think there is lot of people had worse situation than mine okay? But I’m frugal, easy to entertain. This is home sweet home as we want to call it,” sabi ni Kurt. Frans   Noong 2003, nagsimulang manirahan sa bansa si Frans Span Flegel, isang Aleman. Tulad ni Kurt, nagkaroon din ng asawang Filipina si Frans subalit nang malaon ay naghiwalay din sila.   Nagpunta si Frans sa Pilipinas na may P3 milyon. Pinuhunan niya ito para makapagpatayo ng isang KTV Bar sa San Mateo Rizal subalit hindi rin nagtagal at nagsara ang kanyang negosyo.   Ayon sa kanya, naging maluwag siya sa pera kaya’t marami siyang napautang. Dahil sa kahirapan nga raw, naibenta na niya ang yero at kahoy ng kanyang bahay. Sa kabila ng lahat, masaya pa rind daw na nabubuhay si Kurt kasama ang kanyang alagang aso.   “I have my animal, I don’t feel alone… I just have no money, very beautiful when you have money, when you have no money it’s very hard,” sabi niya. Ward   Nakita naman ni Ward Henri Baeyens, isang Belgian, ang kabutihan ng mga Pilipino nang tinulungan siya ng mga ito upang magkaroon nang matutuluyan at ikabubuhay sa mga panahong wala siyang masandigan.   Nagkaroon ng asawang Filipina si Ward subalit nagkahiwalay din sila. Nagkaroon ng tatlong bunga ang kanilang pagsasama ngunit inilayo rin ito ng kanyang dating asawa. Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ni Ward ang kanyang mga anak. Sila ang pinakamatinding dahilan ni Ward upang hindi lisanin ang Pilipinas.   “I don’t know when I see my children…. I never left them and it’s really a hard time to find them. Just be patient one day I’d be with them forever. I will give my life to get my children… I will find way,” sabi niya. Wolfgang Mas pinili ni Wolfgang Bauer, isang Aleman, ang kalsada sa Maynila kaysa ang lamig sa Alemanya. Unang nakatuntong sa Pilipinas si Wolfgang noong 1987 at tuluyang nanirahan dito noong 1989 para sa isang kumpanya.   Pagkalipas ng ilang buwan, tinanggal si Wolfgang sa trabaho. Nang simula ay namuhay siya ng marangya kahit wala na siyang trabaho, subalit tila kinagat din siya ng tadhana. Naubos ang kanyang mga naipon at napundar ngunit hindi na rin niya ginusto pang bumalik sa kanyang bansa.   Walang trabaho at sariling bahay, nagpapalakad-lakad na lamang ngayon si Wolfgang sa mga kalsada ng Maynila. Nabubuhay siya mula sa mga tulong ng mga taong itinuturing na niya ngayon bilang mga kaibigan.   “Then no more money, and then I for sale my radio, I for sale this this this…I am not the black sheep, I have no mistakes there in Germany…,” sabi niya. Mahigit 117,000 dayuhan sa Pilipinas   Sa pinakahuling tala ng gobyerno, 117,179 ang dokumentadong dayuhan ang nasa bansa. Ang mga Alemang tulad nina Kurt at Wolfgang ay may raming 1,885. Ang mga Amerikano naman ay nasa 17,767 at 304 ang mga Belgian. Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na ang embahada ng Alemanya sa GMA News para sa kalagayan nina Wolfgang at Frans.   May ibang taong nag-aalok ng trabaho para kay Kurt samantalang marami naman ang nagtatanong kung paano nila matutulungan sina Wolfgang at Frans.   Nawa'y katulad ng mga Pilipinong naaabot ang kanilang pangarap sa ibang bansa at nagiging maunlad ang buhay, umunlad din sana ang buhay ng mga tao sa Pilipinas, Pilipino man o dayuhan. - VVP, GMA News Reel Time is a documentary program that airs Sundays at 8:45 PM on GMA News TV Channel 11.
LOADING CONTENT