Filtered By: Topstories
News

Fundraising drive, inilunsad para sa mga inaabusong hayop


Naglunsad ng fundraising drive ang isang animal rights group para sa mga inabuso at inabandonang mga hayop. Sa ulat ni JP Soriano para sa "Balitanghali" ng GMA News TV, matapos umano ang kalunos-lunos na sinapit ng mga asong pit bull na ginamit sa isang dog fighting sa Laguna, nagsagawa ng isang fund raising at auction ang grupong Compassion and Responsibility for Animals (CARA). Nasagip ang 300 pit bull sa lungsod ng San Pablo sa Laguna matapos mahuli ang dalawang South Korean nationals na pinaniniwalaang operator ng international dog fighting syndicate. Nais ng grupo na tulungan ang mga hayop na inabuso at inabandona. Kasabay nito, nanawagan ang CARA sa gobyerno na pabigatan ang parusa sa paglabag ng Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act. Nakasaad sa Section 6 ng RA 8485: “It shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care, sustenance or shelter, or maltreat any animal or to subject any dog or horse to dogfights or horsefights, kill or cause or procure to be tortured or deprived of adequate care, sustenance or shelter, or maltreat or use the same in research or experiments not expressly authorized by the Committee on Animal Welfare." Ayon kay Nancy Cu Unjieng, President ng CARA, "We would like to stregthen it. May fine bigger. Like from P5,000, make it to P50,000. Make the time they serve in prison longer." Sa isang ulat noong Disyembre, anim na Korean nationals at 17 Filipinos ang naaresto sa isang raid sa bayan ng Indang, Cavite, kung saan mahigit 200 na mga aso ang nasagip mula sa illegal dogfighting at betting operations. Iginiit ng nahuling Koreans noon na hindi nila alam na ipinagbabawal ang dog fights bilang betting game sa Pilipinas, ayon sa ulat. Nakapagpiyansa umano ang mga suspek at inulit na naman ang kanilang ilegal na gawain doon naman sa Laguna. Samantala, hinikayat ng CARA ang lahat na sa halip na bumili ng aso at pusa sa pet shop, mag-ampon na lamang mula sa mga inaalagaan ng grupo, o maaari rin nilang kukupin ang mga hayop na inabandona na sa kalsada. Dagdag pa nito, dapat humingi ng payo sa kanila o sa lokal na veterinarian ukol sa tamang pag-aalaga ng mga hayop. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News