Filtered By: Topstories
News

Ilocos Norte Rep. Fariñas, pinapatakbong senador sa 2013 polls


Hinihikayat ng kanyang mga kapwa mambabatas si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na tumakbong senador sa 2013 elections sa ilalim ng partido ng administrasyon. Si Fariñas ang nagsilbing House deputy lead prosecutor na umusig kay dating Chief Justice Renato Corona sa isinagawang impeachment trial sa Senado. Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, pinuno ng 188 kongresista na pumirma sa impeachment complaint laban kay Corona, suportado nila si Fariñas kapag tumakbo itong senador sa darating na halalan. “We will endorse him [Fariñas] in the administration senatorial slate. I think his competence is beyond question. He has been governor and congressman," pahayag ni Evardone, kasapi ng lapian ng administrasyon na Liberal Party. Si Fariñas ay kasapi ng Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Sen Manny Villar, na kinakausap umano ng LP para sa posibleng koalisyon sa 2013 mid-term elections. Nakalista sa senatorial candidates ng NP sina dating Las Pinas City Rep. Cynthia Villar, re-electionist Sen. Alan Peter Cayetano at dating miyembro ng “Spice Boys" na si dating Surigao Rep. Robert Ace Barbers. Tumanggi naman muna si Fariñas na magbigay ng pahayag tungkol sa paghikayat ng kanyang mga kasamahan. Naging markado ang pahayag ni Fariñas sa pagsasara ng paglilitis ni Corona nang ilarawan niya sa isang salita ang depensa ng dating punong mahistrado – palusot. Sa pagsisimula ng paglilitis, naging kontrobersiyal din si Fariñas nang aminin nito sa pagdinig ng Senado na napapangitan siya sa pagkakagawa ng reklamo laban kay Corona. Sinabi naman ni Evardona na sapat nang dahilan ang ginawang pagdepensa ni Fariñas sa impeachment complaint para iendorso nila na tumakbo itong senador. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News