Filtered By: Topstories
News

Party-list group ni Mikey, tinunaw ng Comelec; pati grupo ng media, ‘di rin umubra


Idiniskwalipika ng Commission on Election (Comelec) ang Ang Galing Partylist (AGP) na kinakatawan ngayon sa Kamara de Representantes ni Rep. Juan Miguel "Mikey" Arroyo. Ibinasura din ng komisyon ang apela ng isang grupo ng mga mamamahayag na makasali sa 2013 party-list elections. Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes Jr., idiniskwalipika nila ang AGP matapos na walang sumipot sa ipinatawag na pagdinig ng komisyon. Idinagdag naman ni Atty. James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na kinansela rin ang akreditasyon ng naturang grupo na kumakatawan sa mga tricycle driver at security guard. "Hindi na lang yung technicality. We’re resolving it on the merits, na hindi talaga sila qualified," ayon kay Jimenez. Bago ang May 2010 elections, naghain na ng petisyon ang Bayan Muna laban sa AGP dahil hindi umano kwalipikadong maging kinatawan ng mga tricycle driver at security guard si Mikey Arroyo, anak ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Sa kabila ng reklamo ng Bayan Muna, nagdesisyon ang Comelec second division na pabor sa dating presidential son at pinayagan itong maging kinatawan ng grupo. Paalam sa ALAM Samantala, ibinasura ng Comelec ang apela ng party-list group na Alab ng Mamamahayag (Alam), na makasali sa 2013 elections para katawanin ang sektor ng mga manggagawa sa media. Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, nabigong makapagsumite ang grupo ng mga rekisito na magpapatunay na “marginalized sector" ang kanilang kinakatawan alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 7941 o Partylist System Act. Dagdag ng opisyal, nakaapekto rin sa grupo ang naging alegasyon nila na may suhulang nagaganap sa ahensiya para makasali sa party-list elections. "It's another factor because it does not speak well of the organization to make a series of allegation of bribery that there is no evidence. Be careful with allegations if names are involved," ayon kay Sarmiento. Kabilang sa nominado ng ALAM si Benny Antiporda, ang kasalukuyang presidente ng National Press Club (NPC). AKo Bicol, dumulog sa SC Samantala, naghain naman ng petisyon sa Korte Suprema ang party-list group na Ako Bicol (AKB) na idiniskwalipika rin ng Comelec na makasali sa 2013 elections dahil isa itong partido politikal at walang kinakatawan na sektor. Sa 86-pahinang petisyon na inihain ng grupo sa pangunguna ng kanilang abogado na si retired SC Associate Justice Vicente Mendoza, hiniling nila sa SC na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa naging desisyon ng Comelec. Kasabay nito, hiniling ng AKB na ibalik ang akreditasyon ng grupo para makasali sa darating na halalan. Noong 2010 elections, tatlong upuan sa Kongreso ang nakuha ng AKB matapos makakuha ng pinakamaraming boto sa lahat ng kasaling party-list groups. - FRJ, GMA News

LOADING CONTENT