Filtered By: Topstories
News

Number coding sa Metro Manila, nais gawing 2 beses bawat linggo ng MMDA


Matapos iutos ng Palasyo na resolbahin ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko, inihayag nitong Miyerkules ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na paigtingin ang pagpapatupad ng number coding scheme sa mga sasakyan.   Iminungkahi ni MMDA chairman Francis Tolentino na gawing dalawang araw bawat linggo ang number coding scheme sa halip na isang beses lamang gaya ng umiiral ngayon.   Ayon sa post ni Nimda Ravelo ng dzBB sa Twitter, isusumite ni Tolentino ang mungkahi sa lupon ng mga alkalde ng Metro Manila na nakatakdang magpulong sa Hulyo 24.   Basahin: Palace: programs in place to address losses from traffic Ang Metro Manila Council ay binubuo ng mga alkalde at mambabatas ng Metro Manila, at iba mga opisyal kabilang na sina Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya at Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson.   Ayon kay Tolentino, sa pinaigting na coding scheme ay hindi puwedeng bumiyahe ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa 1, 2, 3, at 4 tuwing Lunes;  5, 6, 7, at 8 tuwing Martes; 9, 1, 0, at 2 tuwing  Miyerkules; 3, 4, 5, at 6 tuwing Huwebes; at 7, 8, 9, at 0 tuwing Biyernes.   Sinubukan pero nabigo ang GMA News Online na makapanayam si Tolentino.   Nauna nang sinabi ni socio-economic planning secretary Arsenio Balisacan lumilitaw sa isang pag-aaral na aabot sa P2.4 bilyon ang nawawalang kita bawat araw ng mga tao sa Metro Manila dahil sa mabigat na daloy ng trapiko. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News  

Tags: traffic, mmda
LOADING CONTENT