Filtered By: Topstories
News

Trillanes, pumalag sa pagkakadawit sa DAP


“Our office was informed that we could submit a list of projects for our constituents and we complied.” Reaksyon ito ni Sen. Antonio Trillanes IV ulat na kasama siya sa anim na administration senators na tumanggap ng pondo noong 2011  mula sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program.

Bukod pa ito sa regular na pork barrel na nakalaan na P200 milyon sa bawat senador kada taon.

“Said projects benefited our countrymen and these are posted on our website for transparency.  None were allocated to bogus NGOs and ghost projects and not a single peso was pocketed out of these funds.  So what’s the crime again?” pahayag ng senador sa kaniyang text message.

Sa report, kasama din umanong na nakinabang sa naturang pondo sina Sen. Alan Peter Cayetano, Ralph Recto, Teofisto Guingona III, Sergio Osmeña III at dating Sen. Francis Pangilinan.

Nabatid na nag-request ang anim na mambabatas kay Sen. Franklin Drilon, noo’y finance committee chairman, ng P100 million bawat isa para sa  “priority projects.”

Sinasabing may P6 bilyong savings noon ang Malacañang na inilako sa mga mambabatas na pwede silang mag-nominate ng mga proyektong gusto nila.

Pero nasa kamay ng liderato ng Senado at Kamara de Representantes kung paano hahati-hatiin ang halaga ng proyekto.

Sinabi naman ni Drilon na hindi niya maalala kung sumulat siya sa mga senador na nagre-request na magsumite ng P100 milyong halaga ng proyekto noong Nobyembre 2011.

Wala naman umano siyang nakikitang mali kung ginawa man niya ito.

“I do not remember that one but it’s possible that I did,” ani Drilon sa nasabing report.  — Linda Bohol /LBG, GMA News