Filtered By: Topstories
News

Training plane, bumagsak sa isang bahay sa Bulacan


Isang Cessna  training plane  ang nagkaaberya at bumagsak sa isang bahay sa Plaridel, Bulacan nitong Huwebes ng tanghali.

Ayon kay Plaridel police Superintendent Amado Mendoza, nakaligtas sa insidente ang dalawang sakay ng eroplano na sina Arturo Salazar at Muhammad Kashmir Jim Amad. Gayundin ang katiwala sa nabagsakang bahay na si Eleanor Baluyot.



Hindi man nasugatan, dinala pa rin ang tatlo sa ospital para masuri.

Sa imbestigasyon, lumitaw na sandali pa lang nasa himpapawid ang Cessna 152 training plane  matapos lumipad sa Plaridel airstrip nang bumagsak ito sa bubungan ng bahay na pag-aari ng isang duktor sa Barangay Lumang Bayan sa Plaridel.

Patuloy pang iniimbestigahan ang dahilan ng pagbagsak nito.

Noong Abril 2013, isang Cessna training plane rin ang bumagsak sa bukirin sa Barangay Tabon, Pulilan, Bulacan. Nakaligtas din ang mga sakay nito. -- RRamos/FRJ, GMA News

Tags: planecrash