Filtered By: Topstories
News

Duterte, posibleng maging standard bearer ng PDP-Laban sa 2016 polls -- Pimentel


Ikinukonsidera ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na gawing pambato sa pampanguluhang halalan sa 2016 si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na bibigo sa hangarin ni Vice President Jejomar Binay na maging susunod na lider ng bansa.
 
Ito ang inihayag ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, presidente ng PDP-Laban, nang makausap ng mga mamamahayag sa 33rd anniversary celebration ng partido nitong Sabado.

Ayon sa senador, kabilang si Duterte sa mga nangunguna sa mga pinagpipiliang pambato ng kanilang partido sa susunod na halalan.

"Dadaan pa po iyon sa proseso pero malakas ang kanyang suporta within the membership of the party," pahayag ni Pimentel.

Dagdag niya, "Hindi pa po sa ngayon, but nakikita ko na marami kaming members from Visayas ang Mindanao na halos solid sila na Duterte for president, pero dadaanan pa po iyon sa proseso."

Ang prosesong tinutukoy ni Pimentel ay ang national convention kung saan may kinatawan umano ang bawat sangay ng partido para pumili ng kanilang magiging standard bearer sa 2016.

Naniniwala si Pimentel na malakas na kandidato si Duterte dahil sa suportang nakukuha nito sa Visayas at Mindanao.
 
"I think sa Visayas, may market si Mayor Duterte because he speaks Cebuano, and a little bit of Ilonggo, and coming from Mindanao, mayroon namang natural identification ang Visayas and Mindanao," paliwanag ng senador.
 
"Sa Luzon na lang, and the party, PDP-Laban, is strong in Luzon," aniya. "We have [a] presence in Ilocos, Bicol, and in Region 4, and Metro Manila. Although our members are not named politicians, we have members nationwide."
 
Tiwala si Pimentel na kayang talunin ni Duterte si Vice President Jejomar Binay, kapag nagtapat ang dalawa sa panguluhang halalan.
 
Dating kaalyado ng PDP-Laban si Binay, na magiging pambato naman sa 2016 ng United Nationalist Alliance.

Miriam bilang VP?
 
Samantala, wala pang napipiling kandidatong bise presidente ang PDP-Laban pero posibleng manggaling umano ito sa Visayas o Luzon.
 
Nang tunungin si Pimentel kung maaaring si Senador Miriam Defensor-Santiago ang maging running-mate ng kanilang standard bearer, sinabi ng presidente ng partido na posible.
 
Matatandaan na inihayag ni Santiago noong nakaraang taon na si Duterte ang kanyang first choice bilang vice president kapag nagdesisyon siyang tumakbong pangulo sa 2016.
 
Samantala, naniniwala rin si Pimentel na si Duterte ang tamang lider ng bansa para maisulong ang adbokasiya nila na gawing pederalismo ang sistema sa bansa.
 
"I think federalism is an idea that time has come, and PDP-Laban used to be the face of federalism that we are willing to give Mayor Duterte, and let him be the face of federalism," aniya.

"Since we need a better personality to embody, to become the face of federalism, and if Mayor Duterte wants to be the face, then we let him be the face of federalism," dagdag pa ni Pimentel.
 
Inihayag din ng senador na magagawa lamang na mapanatili ang cultural identity ng bawat lalawigan kung paiiralin ang sistemang pederalismo sa bansa.
 
"Ang bansa natin, mayroon tayong kanya-kanyang identities, na sana to preserve the cultural identify, ung ugali ng lugar na iyon, we should adopt a more decentralized form of government, and one form is federalism," aniya. "But sana nasa constitution ang relationship between the national and the federal states."
 
Paliwanag pa niya, "For example, itong Bangsamoro is an example of federalism, but it's asymmetric kasi isa lang na region ang binibigyang special treatment. If we adopted federalism, regions will be given special treatment in its own way." -- FRJ, GMA News