Filtered By: Topstories
News

Taxi driver sa viral video, dinala sa LTFRB; tumangging magpa-drug test


Isinuko ng taxi operator sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules ang kaniyang drayber na nakunan sa viral video na galit na galit at nagbabanta sa kaniyang pasaherong babae sa loob ng ipinapasada nitong taxi.

 

 

Ayon sa LTFRB, posibleng makansela ang lisensiya ng taxi driver na si Roger Catipay.

 

#UWB666 eto po ang pinaka nakakatakot na driver na nasakyan ko.. from sm north po sumakay ako sa nakapilang taxi ......

Posted by Jordie Lag on Monday, January 4, 2016

 

Si Catipay ay dinala sa tanggapan ng LTFRB ni Ariel Gamboa, operator ng AFG taxi.

Nitong Martes, kumalat sa Facebook ang post ni Jordie Lag na nagpapakita kay Catipay na galit at sinisigawan ang kaniyang pasahero.

Ayon sa ulat ni Glen Juego ng dzBB radio, tumangi si Catipay na sumailalim sa drug test sa LTFRB.

Sa hiwalay na ulat ni GMA News' Sherrie Ann Torres, sinabi nito na humingi ng patawad ang drayber sa kaniyang nakaalitang pasahero at handa siyang tanggapin ang parusang ipapataw sa kaniya.

Nagtungo rin sa LTFRB ang pasaherong nag-upload ng video sa Facebook para pormal na maghain ng reklamo.

"Kung makulong siya o matanggalan siya ng lisensya, okay lang sa akin," anang pasahero na si Joanna Garcia. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT