Filtered By: Topstories
News
Binuksan kahit 'diplomatic cargo'

Bagahe para sa Japanese emperor, 'di nakaligtas sa NAIA Customs

 


Nabahiran ng kontrobersiya ang pagbisita sa bansa ng emperor ng Japan matapos magreklamo ang Japanese Embassy sa ginawang pagbukas umano ng isang tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa bagahe na para sa bibisitang lider kahit na mayroon itong marka na tinatawag na "diplomatic pouch."

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, napag-alaman na nangyari ang insidente noong Nobyembre 30 sa bagahe na maagang ipinadala sa Pilipinas at  gagamitin para sa pagbisita sa bansa nina Emperor Akihito, Empress Michiko, at mga delegado nito.

Ang nabanggit na bagahe ay mayroon daw tinatawag na "diplomatic pouch" na naglalaman ng Japanese diplomatic documents ng emperor at empress na nabuksan umano ng BOC examiner para isailalim sa pagsusuri.

Ang diplomatic pouch ay hindi umano maaaring buksan dahil saklaw ito ng tinatawag na "diplomatic immunity."

Dahil sa insidente, humingi ng paumanhin ang BOC sa embahada ng Japan.

Magsasagawa rin daw ng refresher course ang BOC sa kanilang mga customs examiner tungkol sa paghawak sa mga diplomatic cargo.

Dumating sa bansa para sa state visit sina Emperor Akihito at Empress Michiko nitong Martes at magtatagal sila hanggang sa Sabado. -- FRJ, GMA news