Filtered By: Topstories
News

Marijuana, puwedeng 'legal' na gamitin bilang gamot kung makakakuha ng kaukulang permit


Matapos ang pagkakaaresto sa aktor na si Mark Anthony Fernandez dahil sa pag-iingat ng marijuana, muling nabuhay ang usapin sa mga mungkahi na gawing legal ang paggamit ng naturang halaman bilang gamot.

Nitong Lunes, nadakip si Fernandez sa isang checkpoint ng pulisya sa Angeles, Pampanga nang pahintuin ang kaniyang minamanehong kotse dahil walang plaka sa harapan.

Nang silipin ang loob ng sasakyan, nakita raw ang isang kilo ng marijuana.

Bagaman itinanggi ni Fernandez na sa kaniya ang nakuhang malaking bulto ng marijuana, inamin ng aktor na gumagamit siya nito bilang medisina upang hindi matulad sa kaniyang ama na si Rudy Fernandez na namatay dahil sa kanser.

Bagaman mayroon nang inihaing panukalang batas sa Kongreso na humihiling payagan ang paggamit ng marijuana bilang medisina, hindi pa ito naipapasa kaya nananatiling iligal at ipinagbabawal ang paggamit ng naturang halalan.

Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, napag-alaman na mayroong Administrative Order na inilabas ang Department of Health noong 1992 at Board Directive nitong 2014, na maaari raw mag-apply ng permit sa DOH, Food and Drugs Administration at Dangerous Drugs Board, sa mga nagnanais na gamitin ang marijuana bilang gamot.

"Ina-allow sa batas pero kailangan may special permit to use it for medical purposes. Sa aming experience wala pa pong nagre-request sa FDA," ayon kay DOH Sec. Paulyn Jean Ubial .

Matagal na raw isinusulong ng Philippine Cannabis Compassion Society na gawing legal ang medical marijuana sa bansa sa pamamagitan ng House Bill 180.

"Ang marijuana ngayon ang kumokontrol mga drug pusher at drug dealer. Ang gusto nating mangyari, kumuha tayo ng isang portion na kontrolado ng gobyerno para magamit bilang medisina," paliwanag ni Chuck Manansala ng PCCS.

Wala pang resulta ng pag-aaral sa Pilipinas tungkol sa kabutihang dulot ng marijuana laban sa cancer, epilepsy at iba pang sakit.

Maging ang World Health Organization (WHO), wala pa raw malinaw na patunay na nakagagaling ang marijuana kaya naman itinuturing pa rin itong illegal substance sa Pilipinas.

Batay umano sa mga pag-aaral, may 400 na iba't ibang kemikal na taglay ang marijuana at  isa lang daw dito ang nakagagaling o may health benefit-- ang cannabidiol o CBD.

Sa ibang bansa, inihihiwalay ang nabanggit na kemikal para kontrolado ang paggamit.

Ito rin umano ang nais mangyari ng Dangerous Drug Board (DDB), na kabilang sa mga nagsasagawa ng pag-aaral kaugnay sa panukalang batas na gawing legal ang paggamit ng marijuana.

Ayon kay Sec. Benjamin Reyes, DDB, sa halip na hinihithit ang marijuana gaya ng sigarilyo mas makabubuti umano na ihiwalay ang kemikal na panlaban sa sakit at maalis ang mga kemikal na may masamang epekto sa kalusugan.

Ginagawa na umano sa US ang naturang sistema at ipinapakete na katulad sa gamot ang nakuhang kemikal na panlaban sa sakit na "maridol."

Ayon sa DDB, noong 2015 ay nangunguna ang marijuana sa pinakaginagamit at ibinebentang illegal drugs sa bansa at idinadahilan ng mga nahuhuli ang medicinal value nito.

Dati nang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtutol sa marijuana maliban na lang kung may lehitimong gamot mula rito. -- FRJ, GMA News