Filtered By: Topstories
News

De Lima, kaisa-isang senador sa drug list ni Espinosa —lawyer


Tanging ang pangalan lamang ni Leila de Lima at wala nang iba pang senador ang nakasulat sa drug list ni Kerwin Espinosa, pahayag ng abugado ng tinaguriang Eastern Visayas drug lord nitong Biyernes.

Sinabi ni Atty. Leilani Villarino sa "News To Go" na: “According to Kerwin, wala na po. ‘Yun ang sinabi niya, wala na.”

Ito ang tugon ni Villarino nang tanungin kung totoo ang mga ulat na may dalawang senador sa listahan ni Espinosa ng mga umano'y tumanggap ng drug money galing sa kanya.

Nauna nang sinabi ng whistleblower na si Sandra Cam sa media na dalawang kasalukuyang senador ang ibubunyag ni Espinosa.

Nakausap umano ni Cam si Espinosa habang nasa kulungan sa Abu Dhabi bago ito maibalik sa Pilipinas.

Samantala, sinabi rin ni Atty. Villarino na wala rin umanong mga pangalan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa sinumpaang salaysay ng kanyang kliyente.

“Wala naman siyang binanggit and I don’t think meron pa yata,” giit niya.

Haharap muli sa darating na Lunes si Kerwin Espinosa sa Senate public order committee sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa pagkamatay ng ama nito na si Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob ng kanyang selda habang hawak siya ng mga pulis.

Napatay ang nakatatandang Espinosa sa umano'y pakipagbarilan sa mga pulis sa loob ng Baybay City Sub-Provincial Jail noong nakaraang buwan. —LBG, GMA News