Filtered By: Topstories
News

Mangingisda, inatake ng malaking pating sa Ilocos Sur


Dahil nanghinayang sa nalaglag na nahuling isda sa laot, lumusong sa tubig ang isang mangingisda pero panganib ang sumalubong sa kaniya nang sakmalin siya ng isang pating na tinatayang may 10 talampakan ang laki sa karagatang sakop ng Ilocos Sur.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News TV's "Balitang Pilipinas" nitong Martes, sinabing nagtamo ng sugat sa kanang hita ang 25-anyos na si Benan Reintegrado dahil sa pag-atake sa kaniya ng pating sa barangay Villamar sa Caoayan, Ilocos Sur.

"Lumusong ako sa tubig nang may nahulog na isda, nasayangan kasi ako. Pag-ahon ko, may kumagat sa binti ko," kuwento ng biktima.

Kasama ng biktima ang kanyang ama na nangingisda sa laot nang mangyari ang insidente.

Ayon sa ama, "'Tay nakagat ako,' sabi niya. Kaya sinampa namin at agad itinakbo namin sa ospital."

Dagdag niya, "Yung binti niya, dugo-dugo na, punit-punit din yung shortpant niya."
Halos apat na metro o 10 talampakan umano ang haba ng pating.

Batid daw ng mag-ama na may mga pating sa lugar pero sagana raw ang nahuhuling isda roon kaya patuloy silang pumapalaot sa lugar.

Nagpapagaling pa rin sa ospital ang biktima. -- FRJ, GMA News

Tags: sharkattack
LOADING CONTENT