Filtered By: Topstories
News

Ipagtanggol ang kalikasan laban sa kasakiman —Cardinal Tagle


Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga  mananampalataya na lalahok “Earth day, Mercy2Earth” walk sa Sabado, ika-22 ng Abril na ipagtanggol ang kalikasan laban sa kasakiman.

Hinimok ni Cardinal Tagle ang mamamayan na sumama sa Mercy2Earth walk upang ipakita ang pagkakaisa sa pagbibigay proteksiyon sa "God’s creation" laban sa "apathy, heartlessness and greed" na nagdudulot ng climate change at banta sa sagradong buhay.

“Our celebration of the Earth Day and the Divine Mercy Sunday this weekend offers a well-timed opportunity for all of us to gather together and manifest our unity to protect God’s creation from acts of apathy, heartlessness and greed that contribute to climate change and harm human life and dignity,” pahayag ni Tagle

Dagdag niya, ang Mercy2Earth walk ay magandang pagkakataon ng pagkakaisa para sa kalikasan, kasabay ng Paris Agreement on Climate Change agreement.

“Incidentally, our gathering falls on the day when the Paris Agreement on Climate Change, which aims to limit global warming to 1.5 degrees Celsius, will enter into force for the Philippines. This makes our celebration even more historic and timely,” pahayag niya.

Inihayag naman ni CBCP Episcopal Commission on the Laity Chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na ang Earth Day ay paalala na mahalagang bahagi ng pananampalataya ng bawat tao ang pangangalaga sa kalikasan.

Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng Earth Day ay maipaabot sa mas maraming tao ang turo na nasasaad sa encyclical na "Laudato Si" ni Pope Francis at mababahaginan ang taumbayan ng mga pamamaraan ng pagtitipid at pag-iwas sa pagkakalat na isa sa mga sumisira sa kalikasan.

Hinikayat ng obispo ang mamamayan na sumama sa Mercy2Earth o di kaya'y ipagdasal ang pangangalaga sa kalikasan.

Para sa lalahok sa “Mercy2Earth” walk sa Sabado, sa ganap na alas 6 ng umaga sisimulan ang prusisyon mula sa apat na lugar: (1) Intramuros Ferry Station (2) Mabini Corner Faura (3) Pope Pius Center, United Nations Ave. (4) Plaza Miranda, Quiapo.

Tutuloy ito sa Luneta Park sa bahagi ng Lapu-Lapu Monument, kung saan magkakaroon ng maikling programa na susundan ng mga workshop at exhibit na magpapakita ng maayos na pagproseso sa mga plastic at iba pang uri ng mga basura. —LBG, GMA News