Filtered By: Topstories
News

2 umanong mandurukot, nadakip dahil sa 'wais' na driver ng bus


Arestado ang dalawang mandurukot umano sa bus nang itigil ng drayber ang pampasaherong sasakyan sa tabi mismo ng police mobile, at isa-isang pinababa ang mga sakay hanggang sa makita ang cellphone na dinukot sa isa ring pasahero.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV's  "QRT" nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na si Ronel Cudio at Joshua Cordero, na itinanggi sa paratang laban sa kanila.

Una rito, nagreklamo ang pasaherong si Herald Montejo sa drayber ng bus na biyaheng Novalichez na si Alexis Taclob, tungkol sa pagkawala ng kaniyang cellphone sa Muñoz sa EDSA sa Quezon City.

Ayon kay Montejo, nawala ang kaniyang cellphone nang gitgitin siya ng dalawang lalaki.

Simpleng sinabihan umano ni Taclob si Montejo na huwag munang bumaba dahil nasa loob pa ng bus ang mandurukot at ang kaniyang cellphone.

At nang may makitang police mobile ang drayber, itinigil niya ang bus at isinumbong ang nangyaring pagdukot sa cellphone ng pasahero.

Isa-isa nang pinababa ang mga sakay hanggang sa matukoy ng biktima ang mga gumitgit sa kaniya at nakita ang kaniyang cellphone.

Pero paliwanag ni Cudio, napulot lang niya ang nalaglag na cellphone ng biktima.

Itinanggi naman ni Cordero na kakilala niya si Cudio.

Dinala sina Cudio at Cordero sa himpilan ng pulisya para sa isasampang kaso. -- FRJ, GMA News

Tags: crime, psstnews
LOADING CONTENT