Filtered By: Topstories
News

Motorista, naglabas umano ng baril nang businahan ng motoristang na-'cut' niya sa kalsada


Isang motorista ang sinasabing naglabas ng baril nang businahan siya ng kapwa motorista na kaniyang na-'cut' sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ipinakita ang kuha sa dashcam — na ini-upload din sa social media— ng motoristang nagreklamo kung saan makikita ang biglang pagsulpot ng isang sasakyan na gray Adventure, na kita ang conduction number.

Nang businahan ng nagrereklamong motorista ang nag-cut na sasakyan, nag-dirty finger ang drayber at tuloy sa pagtakbo.

Nanatili naman sa likod ang nagrereklamong motorista at maya-maya pa ay may inilawit na hawak na bagay ang nag-cut na motorista.

Ayon sa nagreklamong motorista, baril umano ang inilabas ng nag-cut na motorista pero hindi ito malinaw sa kuha ng dashcam.

Sinabi pa ng motoristang nag-upload ng video, ihahatid niya sa trabaho ang asawa nang mangyari ang insidente at labis umanong natakot sa nangyari.

Inireport na umano sa pulisya at sa Land Transportation Office ng nagrereklamong motorista ang nangyari.

Mag-iimbestiga naman daw ang mga awtoridad sa naturang insidente. -- FRJ, GMA News